MERALCO RATE NGAYONG AGOSTO PINAKAMABABA NA SA LOOB NG HALOS 3 TAON

Joes_take

SA IKA-APAT  na sunod na buwan ay inanunsiyo ng Meralco na bumaba muli ang kabuuang presyo ng koryente ngayong buwan ng Agosto. Ito na ang pinakamababang rate ng Meralco mula pa noong Setyembre 2017, at kumpara noong kaparehong buwan noong 2019, higit piso kada kilowatthour (kWh) na ang nabawas dito. Sa kabila ng pagtaas ng ibang produkto, ang koryente ay mas pinababa pa.

Ayon sa anunsiyo, Php 0.2055/kWh ang kinaltas sa rates ng Meralco ngayong Agosto, na ibig sabihin ay makatitipid ang ordinaryong kabahayan na may 200kWh na konsumo ng Php 41 ngayong buwan.

Ito na rin ang ikalimang sunod na buwan na bumaba ang generation charge, na pinakamalaking bahagi ng kabuuang rate ng koryente. Dahil umano ito sa pagbaba ng presyo sa WESM o Wholesale Electricity Spot Market at Independent Power Producers (IPPs).

Ngayong buwan ay muli ring hinimok ng Meralco ang Force Majeure claims nito sa kontrata sa supplier na nakabawas pa ng presyo. Ngayong Agosto, halos Php82 million ang naibawas sa generation charge dahil dito, at nakatipid ang customers ng Php 0.0285/kWh sa bills. Sa kabuuang limang buwan, Php 1.9 bilyon na ang natitipid ng customers  dahil sa Force Majeure claims na ito.

Bumaba rin ang transmission charge sa ibinabayad sa NGCP o National Grid Corporation of the Philippines, dahilan para mabawi ang tumaas namang bayarin sa tax at iba pang pass-through charges. Suspendido pa rin ang pagkolekta ng Php 0.0025/kWh na halaga ng Universal Charge-Environmental Charge ayon sa kautusan ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Ipinarating muli ng Meralco na walang mangyayaring putulan ng serbisyo hanggang September 30, 2020 para magbigay ng sapat na panahon ang customers na maayos ang kanilang mga naiwang bayarin noong mga panahon ng lockdown.

Siniguro naman ng kompanya na bagama’t isinailalim muli ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal and Bulacan sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), hindi naman titigil ang operasyon nito.  24/7 pa rin ang mga crew nito sa pagtugon sa mga report. Walang tigil din ang operasyon ng call center. Tuloy pa rin ang pagbabasa ng metro ng customers upang makampante ang customers na actual na kinonsumo lamang para sa buwan ang sisingilin.

Bukas din ang business centers ng Meralco ngunit hinihimok na ang customers ay makipag-ugnayan na lang sa pamamagitan ng online channels upang makaiwas sa paglabas ng bahay. Nagdagdag na ng mga tauhan ang kompanya upang mabilisang sumagot sa mga concern na ipinaaabot sa social media channels gaya ng Facebook at Twitter, email [email protected], at hotline 16211. Marami ring online payment channels para makapagbayad sa loob ng bahay, kabilang na nga ang Meralco online app na waived pa rin ang convenience fee.

Sa gitna ng pandemya, malaki ang naitutulong ng mga balitang tulad ng pagbaba ng presyo ng koryente ngayong tuloy pa rin ang pag-adjust ang mga Filipino sa mga pagbabago sa kabuhayan.

Comments are closed.