MATAPOS ang limang taon, sa wakas ay muling ginanap ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) noong Lunes, ika-30 ng Oktubre. Kaugnay nito, natuloy rin ang pilot testing para sa automated voting na isinagawa sa mga piling lugar sa Cavite at Quezon City.
Mismong ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) ang nagsabi na walang naiulat na malalang aberyang nangyari sa naturang pilot testing. Dahil sa matagumpay na automated voting, mukhang malaki ang posibilidad na gawing fully automated na rin ang botohan sa susunod na pagdaraos ng BSKE base na rin sa pahayag ng Commission on Elections (Comelec).
Hindi naman kataka-taka dahil ayon din sa ulat ng Manila Electric Company (Meralco), ang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, walang naiulat na malawakang outage noong araw ng botohan sa mga lugar na sakop ng prangkisa nito.
Gaya ng ipinangako ng Meralco bago sumapit ang eleksyon, talaga namang naging masusi ang paghahanda ng kompanya upang siguruhing walang mangyayaring mga outage sa araw ng botohan hanggang sa matapos ang bilangan.
Ayon sa pahayag ng Meralco, sumailalim sa masusing inspeksyon at sa regular na maintenance activity ang mga pasilidad nito, lalo na ang mga direktang nagseserbisyo sa mga gusaling ginamit bilang polling at canvassing center. Nagasagawa rin ito ng tree trimming upang matiyak na walang mga halaman na tatama o didikit sa mga linya ng koryente na maaaring magresulta sa outage.
Bilang bahagi rin ng tinatawag na Energy Task Force Election na pinangungunahan ng Department of Energy (DOE), nakipag-ugnayan din ang Meralco sa iba’t ibang ahensya sa industriya ng enerhiya upang masigurong mayroong sapat na suplay ng kuryente sa araw ng eleksyon.
Ayon sa opisyal na pahayag ni Meralco VP and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, kabilang sa ginawang paghahanda ng kompanya ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at miyembro ng pribadong sektor upang masigurong tuloy-tuloy ang serbisyo ng kuryente sa araw ng botohan sa mga lugar na sakop ng kanilang prangkisa.
Sa katunayan, ilang linggo bago ang pagsapit ng eleksyon, nagsagawa rin ang Meralco engineers ng inspeksyon sa pasilidad ng kuryente ng mga gusaling gagamitin bilang polling at canvassing center gaya ng mga pampublikong paaralan, mga barangay hall, at mga piling shopping mall. Tinatayang halos 3,000 na gusali ang sumailalim sa inspeksyon ng Meralco. Lahat ng nakitang problema o maaaring maging sanhi ng pagpalya ng linya ay ipinagbigay-alam ng Meralco sa mga nangangasiwa sa mga naturang gusali upang maipaayos ito bago ang petsa ng eleksyon.
Noong mismong araw ng eleksyon, talaga namang makikitang naka-abang ang mga crew ng Meralco sakaling may mangyaring aberya sa serbisyo ng kuryente. Maging ang mga contractor na certified ng Meralco ay on-call din noong araw ng eleksyon upang masigurong maaayos agad ang problema sakaling magkaroon ng isyu sa loadside wire ng mga polling at canvassing center.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Philippine National Police (PNP), naging payapa at walang naiulat na insidente ng kaguluhan sa Quezon City at ibang bahagi ng Metro Manila – indikasyon na matagumpay na naidaos ang botohan sa mga naturang siyudad. Naniniwala akong malaking bahagi rito ang tuloy-tuloy na serbisyo ng kuryente.
Tuwing may ganitong uri ng mga kaganapan sa bansa, talaga namang hindi matatawaran ang paghahandang ginagawa ng Meralco. Gaya nga ng laging sinasabi ni Manong Joe, mandato ng Meralco ang masigurong tuloy-tuloy at maaasahan ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na sakop ng kanilang prangkisa.