MERALCO TINIYAK ANG KAHANDAAN NGAYONG KAPASKUHAN

PARA SA LIGTAS NA PASKO. Tiniyak ng Meralco sa mga customer nito na handa ang mga crew nito na rumesponde sa mga posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente ngayong Kapaskuhan. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasagawa ng maintenance activities. 

Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) sa publiko ang kahandaan ng kumpanya na tumugon sa mga posibleng maging alalahanin sa serbisyo ng kuryente ngayong Kapaskuhan. 

Patuloy na nakabantay 24/7 ang mga crew ng kumpanya para masiguro ang maayos at tuluy-tuloy na serbisyo ng kuryente sa nasa 8 milyong customer nito at matiyak ang maliwanag, masaya, at ligtas na pagdiriwang. 

“Nagpapaalala kami sa aming mga customer na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente ngayong Kapaskuhan. Makakaasa ang aming mga customer na handang tumugon ang aming mga crew sa anumang posibleng alalahanin sa serbisyo ng kuryente,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga. 

Nagbigay ng mga sumusunod na tip ang Meralco sa mga customer para lubusang maging masaya at ligtas ang pagdiriwang ng Pasko: 

  • Gumamit ng Christmas lights na may quality control markings. Kung gagamit ng lumang mga Christmas light, suriin ang mga ito nang mabuti dahil posibleng magdulot ng sunog ang mga basag, o sirang ilaw.
  • Iwasan ang paggamit ng mga pako at mga thumb tack sa pagkakabit ng mga Christmas light. Ang paggamit ng mga pako, thumb tacks, at mga wire staple ay maaaring maging sanhi ng pagkasira ng mga Christmas light na maaari namang magdulot ng sunog. 
  • Iwasan ang ‘octopus’ connection at overloading. Huwag pagdugtung-dugtungin ang mga extension cord o ang tinatawag na ‘octopus connection’. Isa sa karaniwang sanhi ng sunog ang pag-overload ng mga electrical outlet o extension cord. 
  • Tanggalin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance na hindi ginagamit. Kung aalis ng bahay, huwag kalimutan na bunutin sa pagkakasaksak ang mga Christmas light at iba pang appliance. 
  • Tiyaking may nakahanda na fire extinguisher sa bahay. Makabubuti kung may nakahandang fire extinguisher sa bahay sakaling magkaroon ng sunog. 

Bagama’t sarado ang mga Meralco Business Center ng Disyembre 24 (Bisperas ng Pasko) at Disyembre 25 (Araw ng Pasko), maaaring makipag-ugnayan ang mga customer sa pamamagitan ng mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211 at 8631-1111.