Handa ang Meralco na rumesponde sa anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente ngayong Semana Santa
TINIYAK ng Manila Electric Company (Meralco) sa 7.8 milyong customer nito ang tuluy-tuloy at maaasahang serbisyo ng kuryente ngayong Semana Santa.
Bagama’t pansamantalang magsasara ang mga Meralco Business Center mula ika-28 hanggang ika-30 ng Marso, mananatiling handa 24/7 ang mga crew ng kumpanya na rumesponde sa anumang alalahanin sa serbisyo ng kuryente. Lahat ng Meralco Business Center ay magbabalik operasyon sa ika-1 ng Abril (Lunes).
“Kaisa ang Meralco sa taimtim at ligtas na paggunita ng Semana Santa. Bilang isang kumpanya na naghahatid ng serbisyo 24 oras, makakaasa ang aming mga customer na handa ang aming mga crew na rumesponde sa anumang alala hanin tungkol sa serbisyo ng kuryente,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Para sa ligtas at payapang bakasyon, muling nagpaala ang Meralco sa publiko na ugaliin ang ligtas at masinop na paggamit ng kuryente lalo na ngayong tag-init kung kailan kadalasan tumataas ang konsumo ng kuryente.
Para sa mga magbabakasyon, bunu tin sa saksakan ang mga appliance na hindi ginagamit lalo na kung ilang araw iiwanan ang bahay na walang tao. Iwasan ang “octopus connection” o ang pagdugtung-dugtong ng mga extension cord sa isang power outlet dahil maaari itong maging sanhi ng sunog at iba pang aksidente. Huwag rin ilagay ang mga wire at cord sa ilalim ng mga basahan o carpet dahil maaari itong masira lalo na kung laging natatapakan. Ugaliing iligpit ng maayos ang mga kable lalo na kung hindi ginagamit at tiyaking hindi nababasa ang mga appliance at mga gadget.
Upang mas mabantayan ang kanilang konsumo ng kuryente, hinikayat din ng Meralco ang mga customer nito na gamitin ang Appliance Calculator na matatagpuan sa Meralco Mobile App. Makatutulong ito upang malaman ang konsumo ng kuryente ng iba’t-ibang mga gadget at appliance.
Para sa mga alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring ipaalam ito sa pamamagitan ng mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917- 5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211 at 8631-1111.