WAGI ang Meralco ng limang parangal sa katatapos lang na prestihiyosong 2024 Asia-Pacific Stevie Awards para sa mga inisyatibang pangkalikasan, thought leadership, at social media. Nasa larawan (kanan papuntang kaliwa) sina Meralco Power Academy Executive Director Ian Chester Colorina, Meralco Power Academy President Nixon Hao, Meralco First Vice President at Chief Sustainability Officer Raymond Ravelo, at Meralco Power Academy Program Head Marc Lester Malibiran sa ginanap na awarding ceremony noong Mayo 24, 2024.
PATUNAY sa naipamalas na inobasyon, kinilala ang Manila Electric Company (Meralco) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, bilang isa sa mga natatanging kumpanya sa 2024 Asia-Pacific Stevie Awards.
Sa katatapos na awarding ceremony kamakailan, ginawaran ang power distributor ng tatlong (3) gold, isang (1) silver, at isang (1) bronze na awards bilang pagkilala sa husay ng mga inisyatiba nito na nakatuon sa kalikasan, thought leadership, at social media.
Mahigit sa 1,000 nominasyon mula sa mga organisasyon, kabilang ang mga utility company sa buong rehiyon ng Asia-Pacific, ang isinaalang-alang sa taong ito para sa Asia-Pacific Stevie Awards.
Kinikilala ng award-giving body ang mga programa at inisyatibang nagpapakita ng husay sa inobasyon. Itinuturing na “world’s premier business awards” ang Stevie Awards.
Pinarangalan ang Meralco ng isang Gold Stevie sa ilalim ng kategoryang Building Sustainable Supply Chains para sa “Meralco Supplier Sustainability Scorecard (MS3) Program” na naglalayong isulong ang sustainability sa buong value chain nito. Ang MS3, na kasalukuyang isang mahalagang bahagi ng proseso ng vendor accreditation ng Meralco, ay nagbibigay ng komprehensibong pagsusuri sa pagganap ng mga business partner nito sa environmental, social, at governance (ESG), na kinabibilangan ng 14 na Sustainable Development Goals (SDG) at 131 Global Reporting Initiative (GRI) Standards-aligned criteria. Noong 2022, inilunsad ng Meralco ang MS3 sa 218 suppliers na sama-samang bumubuo ng 95% ng procurement spend ng kumpanya. Sa pagtatapos ng taon, 93% ng mga pangunahing supply chain partner ng Meralco ay lubos na sumunod sa environmental standards ng kumpanya.
Sa ilalim ng kategoryang Most Innovative Facebook Page, nakatanggap ang Meralco ng isa pang Gold Stevie para sa kampanyang “Redefining Meralco’s Facebook Page to Empower and Engage Customers”. Noong 2023, higit pang pinahusay ng distribution utility ang nilalaman ng social media nito upang matugunan ang pagbabago ng mga gawi at pangangailangan ng impormasyon ng mga customer. Nakatuon ang estratehiya sa pagpapalakas ng tiwala, habang nagbibigay ng malawak na hanay ng mahahalaga at kapaki-pakinabang na impormasyon para sa mga customer.
Ang “Giga Summit on Sustainable Energy, Energy Efficiency, and Future Grid” ng Meralco Power Academy (MPA) ay ginawaran din ng Gold Stevie matapos itong pangalanang Thought Leadership Campaign of the Year. Ang MPA, na education arm ng Meralco, ang namuno sa tatlong araw na Giga Summit noong 2023 na nakatuon sa tatlong pangunahing haligi – Sustainable Energy, Energy Efficiency, at Future Grid. Nagtipun-tipon dito ang mga lokal at internasyonal na eksperto sa industriya ng enerhiya. Binigyang-diin ang pangangailangang mapabilis ang pagpapatibay sa paggamit ng mas malinis na pinagkukunan ng enerhiya at pag-develop ng mas pinahusay at mas matatag na grids.
Nakakuha naman ng Silver Stevie sa ilalim ng kategoryang Reuse and Recycle ang “Meralco Race to Zero Waste Program” na sumasaklaw sa mga inisyatiba at pangunahing resulta sa pagbabawas ng paglikha ng basura at pagtatapon nito sa mga landfill. Sa pamamagitan ng programa, naabot ng Meralco ang layunin nitong mapanatiling mabawasan ang itinatambak na basura sa mga landfill. Katunayan, naabot ng kumpanya ang pinakamataas na waste diversion rate na 96% noong 2022 kumpara sa 17% noong 2019.
Pinarangalan din ng Bronze Stevie para sa Climate Hero of the Year category si Raymond B. Ravelo, First Vice President at Chief Sustainability Officer ng Meralco. Nang maitalaga noong 2020 upang pamunuan ang sustainability office ng kumpanya, ang mandato ni Ravelo ay Establish, Embed, Elevate, at Evolve. Ang kanyang mga nagawa ay naging susi sa pagbabago ng Meralco tungo sa pagiging isang kinikilalang lider sa sustainability—na pinatunayan ng all-time best ESG scores at mga pagkilala mula sa ESG rating agencies, gayundin sa mga pandaigdigan at lokal na award-giving bodies.
Ang mga nagwagi ng Gold, Silver, at Bronze Stevie Award ay natukoy base sa average scores ng mahigit sa 100 executive sa buong mundo na nagsilbing mga hurado noong Pebrero at Marso, ayon kay Stevie Awards President Maggie Miller.
“Patuloy na kumikilos ang Meralco upang isulong ang inobasyon sa kumpanya. Lubos naming ikinagagalak ang mga pagkilala ng Asia-Pacific Stevie Awards na patunay rin sa aming pangako na maghatid ng mahusay at maaasahang serbisyo sa aming mga customer tungo sa pag-unlad ng ating bansa,” ani Joe R. Zaldarriaga, Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications.