PINALAKAS ng Manila Electric Company (Meralco) ang kanilang kampanya laban sa pagnanakaw ng metro kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga insidente ng mga ninakaw na metro at mga kable ng koryente na ibinebenta sa iba’t ibang online platforms.
Aktibong nakikipagtulungan ang Meralco sa Philippine National Police at iba pang ahensya ng gobyerno upang labanan at maiwasan ang mga insidente ng pagnanakaw dahil sa banta ng ilegal na aktibidad sa integridad at kaligtasan ng serbisyo ng koryente na inihahatid ng distribution utility sa mga customer nito.
“Pinapaalalahanan namin ang publiko na ang mga metrong ito ay pag-aari ng Meralco at hindi namin sinisingil ang aming mga customer para sa paggamit nito.
Ang pagnanakaw, muling pagbebenta, at pagbili ng mga metrong ito ay mga ilegal na aktibidad na mapaparusahan sa ilalim ng batas at sinumang mahuling may hawak ng mga ninakaw na kagamitan na ito ay kakasuhan at parurusahan nang naaayon,” ani Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Mula Enero hanggang Hunyo 2024, kabuuang 1,131 metro ang naiulat na ninakaw na katumbas ng 63% na pagtaas mula sa 695 na iniulat na ninakaw sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Sa nakalipas na limang taon o mula 2019 hanggang 2023, nakapagtala ang Meralco ng kabuuang 4,591 stolen electric meters.
Isinasaalang-alang ang tumataas na bilang ng mga insidente ng pagnanakaw, binalaan din ng Meralco ang publiko na gumagamit ito ng mga natatanging identifier sa lahat ng metro nito upang ang mga ito ay matunton at matukoy bilang pag-aari ng kumpanya.
“Hinihikayat namin ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad o ninakaw na metro sa Meralco o sa mga awtoridad upang matulungan kaming pigilan ang ilegal na gawaing ito at matiyak ang kaligtasan at integridad ng serbisyo ng kuryente,” dagdag ni Zaldarriaga.
Ang pagnanakaw at muling pagbebenta ng mga electric meter ay mga ilegal na aktibidad na bumubuo ng paglabag sa Republic Act No. 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994.
Ang mga ito ay may parusang hindi bababa sa 12 taong pagkakakulong at multa mula P50 ,000 hanggang P100,000 sa ilalim ng batas.
Ang mga bumibili o gumagamit ng mga ninakaw na metro ay napapailalim din sa mga legal na parusa sa ilalim ng Presidential Decree No. 1612 o ang Anti-Fencing Law of 1972.
Elma Morales