DUMAPLIS lang sa bansa ang bagyong Karding (Yagi) ngunit nagdulot ito ng malakas at tuloy-tuloy na ulan na naging dahilan ng pagbaha sa iba’t ibang mabababang lugar sa Metro Manila, kabilang na rito ang siyudad ng Marikina.
Napilitang lumikas ang daan-daang pamilyang nakatira sa gilid ng Marikina River matapos tumaas ang tubig nito malapit sa critical level Sabado ng gabi (Agosto 11).
Ang matinding pag-ulan at hangin na naranasan sa Kamaynilaan nitong mga nakaraang araw ay sanhi ng paglakas ng hanging habagat o southwest monsoon bunsod ng bagyong Karding at ng isa pang namumuong bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Tinatayang halos kalahati ng dami ng ulan ng bagyong Ondoy noong 2009 ang binuhos sa Metro Manila ng pinalakas na habagat noong Sabado. Ito ay ayon sa datos ng Manila Observatory, isang local weather research institution.
Agad nagpadala ng paunang tulong ang Meralco at One Meralco Foundation (OMF) sa mga biktima ng pagbaha sa Marikina, partikular sa Brgy. Nangka kung saan higit isang daang residente ang kasalukuyang nakatira sa Nangka Elementary School na isa sa mga pampublikong paaralang ginawang pansamantalang evacuation center sa siyudad.
Namahagi ng mga kumot sa mga residente ang mga kawani ng Meralco samantalang pagkain naman ang iniabot ng lokal na pamahalaan.
Naglunsad ng isa pang relief operation ang OMF Lunes ng umaga (August 13) sa Concepcion Elementary School kung saan 500 mga residente mula sa Brgy. Tumana ang pansamantalang nananatili.
Nakipagtulungan din ang OMF sa TV5 Alagang Kapatid Foundation upang maghatid ng mga ready-to-eat na pagkain sa mga residente nananatili sa iba’t ibang evacuation sites sa Metro Manila.