MERALCO VS COLUMBIAN

43rd PBA Season

MATAPOS ang siyam na araw lamang na pahinga, magpapatuloy ang 43rd PBA Season sa Biyernes, tampok ang bakbakan ng Governors’ Cup back-to-back runner-up Meralco at Columbian sa opening game sa Ynares Sports Center sa Antipolo.

Ang Bolts na pangungunahan ng dalawang beses na Best Import winner na si Allen ­Durham ay mapapalaban sa Dyip at sa kanilang debuting import na si Akeem Wright sa alas-4:30 ng hapon, na susundan ng sagupaan ng NLEX at TNT KaTropa sa alas-7 ng gabi.

Ang reigning champion Barangay Ginebra, nagwagi rin sa katatapos na Commissioner’s Cup, at ang San Miguel Beer, ang second conference runner-up, ay hindi pa maglalaro sa unang dalawang linggo ng season-ending tourney.

Sisimulan ng Kings at ni three-time PBA champion import Justin Brownlee ang kanilang title defense laban sa Dyip sa Agosto 31 sa Smart Araneta Coliseum, habang sasalang ang Beermen at si returning import AZ Reid sa kanilang conference debut kontra Road Warriors sa Sept. 1 sa Big Dome.

Hindi muna maglalaro ang Rain or Shine sa unang limang linggo ng torneo dahil ang core players nito, kasama si coach Caloy Garcia, ay kabilang sa national team na sasabak sa Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Sasalang ang Elasto Painters sa Governors’ Cup sa Sept. 22 sa Petron Blaze road game sa Passi City, Iloilo laban sa TNT KaTropa.

Ang PBA ay magdaraos ng limang Petron Blaze road games sa conference.

Ang Phoenix Petroleum at Ginebra ay maghaharap sa Cagayan de Oro sa Sept. 29;  North Port (GlobalPort) versus Columbian Dyip at Alaska Milk laban sa San Miguel Beer sa Antipolo sa Oct. 6; TNT KaTropa kontra San Miguel sa Calasiao, Pangasinan sa Oct. 20; at magsasalpukan ang Blackwater at Columbian Dyip at ang ROS at SMB sa Oct. 27 sa Binan, Laguna.

Ang bawat koponan ay palalakasin ng imports  na may height limit na 6-foot-5.

Siyam na koponan ang magpaparada ng mga subok nang PBA imports habang ang tatlo ay kumuha ng mga bagong mukha.

Comments are closed.