SA PAGKAWALA nina Sol Mercado, Kevin Ferrer at Jervy Cruz sa Barangay Ginebra ay maraming nalungkot na fans. Naging madamdamin din ang pagpapaalam ni Mercado sa dating team. Sa apat na taon na pagiging manlalaro ng Gin Kings ay maraming alaala na hindi makalilimutan ng Fil-Am player. Isang pamilya ang turing niya sa Ginebra. Tulad ng sabi ni Sol, kailangang mag-move on bilang professional. Kailangang tanggapin ang nangyari. Ganoon, aniya, ang trabaho.
Kahapon ay nagsimula na ang tatlo sa ensayo ng NorthPort Batang Pier, habang si Stanley Pringle ay sumama sa ensayo ng Gin Kings noong Tuesday pagkatapos malaman ang pag-trade sa kanya. Good luck sa apat sa kanilang bagong team.
Naku, ano naman ang nangyari sa Rain or Shine kontra NorthPort? Partida pa wala si Pringle at hindi pa naglaro ang tatlong baguhang players ni coach Pido Jarencio. Ang biggest lead ng Elasto Painters na 20 ay nahabol pa ng Batang Pier. Kung tutuusin ay kaya ng tropa ni coach Caloy Garcia ang kalaban bagama’t hindi rin nakapaglaro si James Yap dahil sa injury.
Nakabawi ang Bikol Volcanoes sa kanilang pagkatalo noong opening game against Basilan Steel Jumbo Plastic. Last Wednesday, pinatikim ng Volcanoes ang kanilang bangis sa Pampanga Lanterns ni coach Bong Ramos, 92 – 80 ang final score. Mukhang malakas ang Volcanoes, natsambahan lang kaya sila ng Basilan ni coach Jerson Cabiltes? Wala pa ring kupas ang mga kamay nina ex-PBA players Ronjay Buenafe at Alex Nuyles na nagpahirap sa Pampanga. Happy naman si Mr. Gil Orenza, team owner ng Bikol Volcanoes, at sa tuwa ay nagpakain sa mga player kasama ang coaching staff at ang kaibigan namin na si team manager Nomar Isla.
Nagulantang naman ang Valenzuela SVPTop Marketplace sa pagresbak ng Parañaque Patriots. Halos 20 rin ang kalamangan ng Valenzuela, pero pagdating ng huling quarter ay naglaho ang suwerte ng mga tira ng mga player ni coach Gerry Esplana. Very effective naman ang pag-rally ng Patriots na pawang mga bata ang manlalaro.
Hindi natuloy ang meeting ni Senator Manny Pacquiao sa governor ng Soccsksargen noong isang araw na dapat ay nagkaroon na ng resulta kung matutuloy pa ba ang team ng Soccsksargen sa MPBL. Ok na sana ang lahat kung hindi lumitaw ang problema ng Kapa, kung saan ang team owner ay si Pastor Atty. Joel Apolinario. Full support siya sa team. Ang tumatayong team manager ay si Engr. Roy Pedregosa. Habang isinusulat ko ang kolum kong ito ay magtatagpo sina Soccsksargen Gov. Steve Chiongbian at Sen. Pacquiao para malinawan kung sasaluhin ng LGU ang team.
Comments are closed.