MALABON CITY– NASUGATAN ang isang 29-anyos na messenger matapos barilin ng kanyang kainuman makaraan ang mainitang pagtatalo sa loob ng isang restobar sa lungsod na ito kahapon ng madaling araw.
Si Ronald Devino ng 53 R. Diaz Merville, Brgy. Dampalit ay isinugod ng kanyang kapitbahay na si Michael Lacanarya, 40, sa Tondo General Hospital para magamot ang tinamong tama ng bala sa kanang balikat.
Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, nadakip naman ang suspek na nakilalang si Paulino Castro alyas “Pao”, 25, ng Kagitingan St., Brgy. Muzon sa follow-up operation ng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 5.
Sa imbestigasyon nina Malabon police homicide investigators P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Richard Andrew Calaycay, umiinom ang biktima at ang suspek sa loob ng Gerick’s Restobar na matatagpuan sa kahabaan ng Don Basilio Bautista Blvd. nang mauwi ang mga ito sa pagtatalo bandang alas-2:40 ng madaling araw.
Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, naglabas ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima sa balikat bago mabilis na tumakas. EVELYN GARCIA
Comments are closed.