METAL BARRIER SA MOTORSIKLO, PINALAGAN NG COMMUTER GROUP

metal barrier

KINONTRA ng commuter advocate group na Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) ang iminungkahi ni Bohol Governor Arthur Yap kaugnay sa paggamit ng metal barrier na ikakabit mismo sa gitna ng motorsiklo.

Sa isang phone interview ng PILIPINO Mirror, sinabi ni Atty. Ariel Inton na mas delikado ang metal barrier na inirerekomenda ng gobernador kumpara sa unang disen­yong ipinanunukala rito.

Aniya, may epekto sa balanse ng motorsiklo ang metal barrier kumpara sa special suit o back pack type barrier na mismong suot ng isang motor rider.

Kasunod nito, ikinatuwa naman ni Inton ang ginawang pag-apruba ni Defense Secretary at National Task Force on CO­VID-19 Chairman Delfin Lorenzana na aniya’y bukas sa mga rekomendas­yon ng mga eksperto.

Sinabi pa ni Inton na bagama’t pinayagan ng task force na lagyan ng barrier ang magkaangkas na mag-asawa at live-in partner, sinabi nitong mas makabubuting i-apply na lamang ang proteksiyon sa mga motorcycle rider na mag-aangkas ng commuter oras na payagan nilang umarangkada sa mga susunod na buwan.

Ito ay sa dahilang mas kailangang may barrier ang hindi magkakilalang magkaangkas kum­para sa rider na kasama niya parati sa kanilang tahanan.

“Mas mabuti pang naka-facemask at face shield ang magkaangkas na  mag-asawa o live-in partner kumpara sa may barrier pa ang mga ito dahil kilala naman nila ang isa’t-isa,” dagdag pa ni Inton. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.