METHANOL POISONING AT ANG PAG-INOM NG LAMBANOG NGAYONG BAGONG TAON

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Hindi kaila sa ating mga Filipino ang mag-celebrate tuwing may mga okasyon tulad ng Pasko at Bagong Taon. Hindi rin mawawala ang pag-inom ng alak, isa na rito ay ang “lambanog”.

Kamakailan lamang, ang simpleng masayang selebrasyon ay nauwi sa pagkaospital at ang iba nama’y namatay sa pag-inom ng lambanog habang nagsasaya dulot ng diwa ng Kapaskuhan.

Labing isang tao ang namatay at 300 na katao naman ang naospital sa bayan ng Laguna at ­Quezon dahil sa pag-inom ng alak na ito.

Ayon sa Philippines Food And Drug Administration, ang lambanog na sanhi nito ay nakitaan ng methanol, na isang uri ng alcohol na nagdudulot ng masama sa katawan ng tao kapag umabot na sa toxic levels.

Ang lambanog ay isang uri ng alak na may 40% hanggang 45% by volume na alcohol bilang sangkap, ito ay gawa sa “Coconut Sap” at ang methanol ay maaaring ma-produce habang ginagawa ito kaya dapat na inihihiwalay upang hindi magdulot ng epekto sa iinom nito.

Ang methanol o ang “Wood Alcohol” naman sa isang banda, ay isang uri ng alcohol na kapag nainom ng isang tao at umabot sa toxic levels, ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa katawan. Ang epekto sa katawan ay proportional sa rami ng nainom na methanol. Ang methanol ay maaaring umatake sa pamamagitan ng isang progresibong proseso.

Sa simula, pagkatapos mainom ang isang lambanog na may halong methanol, ang isang tao ay kakikitaan ng mga senyales o sintomas dahil sa epekto nito sa ating Central Nervous System na nagpapabagal sa response ng ating utak at peripheral nerves. Maihahalintulad ito sa tinatawag na “tama ng alak” na halos parehas din kapag tayo ay uminom ng iba pang alak o serbesa.

Ilan sa mga sintomas o senyales na ito ay ang pagkabulol, mabagal na pagkilos, pagkaduling, sakit ng ulo at pagsusuka. Ito ay nararamdaman ilang oras pagkatapos uminom ng lambanog na may halong methanol. Ngunit ito naman ay maaaring tumagal ng 10 hanggang 12 na oras, kaya minsan ito ay napagkakamalang “hangover”.

Sampu hanggang 30  na oras simula nang makaramdam ng mga sintomas o senyales na nabanggit, ito naman ay nasusundan ng bilis ng paghinga, malabong paningin at pagkabulag ng mga mata. Ang hu­ling nabanggit ay dahil sa by-product ng methanol na formic acid na umaatake sa optic nerve at sumisira rito.

Ang komplikasyon ng pag-inom ng lambanog na may halong methanol ay pagpalya ng atay, pagpalya ng ating kidneys, at pagkamatay. Ang methanol poisoning ay isang emergency case at maaari lamang magamot o ma-reverse sa pamamagitan ng medical management habang naka-admit sa isang ospital.

Ito ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pagbili lamang ng mga lambanog na approved ng Food and Drug Administration, upang makasiguro na ang mga lambanog na ating iniinom ay dumaan sa isang isktriktong proseso bago ito inilabas sa merkado.

Manigong Bagong Taon Po sa Lahat!

Kung may katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o mag-message sa fan page na medicus et legem sa Facebook.