METRO MANILA HANDA SA ALERT LEVEL 2

HANDA  ang Metro Manila na ibaba sa Alert Level 2 ang Covid-19 restrictions kapag nagdesisyon ang gobyerno ngayong Pebrero.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nakitaan ng pagbaba ang National Capital Region (NCR) sa COVID-19 cases nitong mga nakaraang araw habang tumataas ang vaccination coverage sa metropolis.

“Oo, handa naman ang Metro Manila,” ang pahayag ni Duque sa Laging Handa briefing nang tanungin kung handa ang rehiyon kapag nagpasyang ibaba ang restrictive alert level sa susunod na buwan.

“Maganda ang ating vaccination coverage. So, maganda ang tiwala o ang confidence na maaayos natin ‘yung pagsunod sa minimum public health standards,” dagdag ni Duque.

Ang pagtaas at pagbaba ng alert levels, ay depende sa two-week growth rate, average daily attack rate, at health care utilization rate.

Magpupulong sa Huwebes ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases para talakayin ang alert levels simula sa Pebrero.

Naka-Alert level 3 ang Metro Manila hanggang Enero 31.