SISIMULAN na ang Metro Manila Subway project bago matapos ang taon, ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade.
Kasabay nito ay inalmahan ni Tugade ang pagtawag sa ‘Build Build Build’ program ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang bigo.
Ayon sa kalihim, ang clearing at konstruksiyon para sa kauna-unahang subway system ng bansa ay sisimulan sa Disyembre.
Tinatrabaho na rin, aniya, ng ahensiya ang pag-upgrade sa lahat ng 44 commercial airports para makapag-operate ang mga ito kahit sa gabi.
Nauna nang tinawag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ‘Build Build Build’ na isang bigo, at sinabing dalawang porsiyento lamang ng mga proyekto ang naipatupad sa kalahatian ng termino ng Pangulo.
“Many projects have been started and will be completed soon,” anang kalihim.
Nagbabala rin si Tugade na ang pagtapyas sa budget ng ahensiya ay maaaring makapinsala sa mga proyektong pang-imprastruktura makaraang ipanukala ng ilang senador ang paglipat ng ilan sa panukalang budget para sa transportation at public works departments dahil sa kanilang masamang performance sa paggamit ng kanilang budget.
“’Pag-i-slash mo ‘yung budget how can we operate on projects we have forecasted and there is no budget? What is the effect? You are actually putting into jeopardy the projects which we have envisioned to be done in the next 2 and a half years,” wika ni Tugade.
Comments are closed.