KAHIT nasa ilalim na ng general community quarantine (GCQ), hindi pa rin pinahihintulutan ang pamamasyal o magtungo ang mga mamamayan mula sa Metro Manila na magtungo sa mga karatig lalawigan.
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, isang paglabag sa quarantine protocols ang ginawang pamamasyal ng ilan kababayan mula Metro Manila sa lungsod ng Tagaytay.
“Sa ngayon, wala pa rin pong pagbabago na ang mga probinsiya, pag kayo ay magko-cross ng border unless kayo ay authorized person at nagta-travel kayo nang work-related,” pahayag ni Eleazar.
Aniya, kailangan pa ring kumuha ng travel pass ng mga residente ng NCR na balak magtungo sa Tagaytay.
At sakaling magdeklara ang Tagaytay City na bukas na ito para sa lahat, kailangan pa ring maaprubahan muna ito ng inter-agency task force.
“Yung sinasabi nating staycation, pati na ‘yung travel bubbles na pinag-uusapan ay ‘yan po dapat accredit o may prior approval ng Department of Tourism, na ‘yan naman po ay ibibigay sa atin,”dagdag pa nito.
Binigyang diin nito, binuksan lamang ng Tagaytay City ang kanilang siyudad sa mga turista na manggagaling sa ibang bahagi ng Cavite.
“Ngayon po ‘yung sinasabi sa Tagaytay, while it is true na ang Tagaytay dineclare ng LGU (local government unit) nila na hindi na kailangan ang travel pass pagpasok doon, ‘yun po ‘yung manggagaling within Cavite. So ‘yung galing sa Metro Manila, pupunta ng Cavite, dapat po may reason kayo sa pagpunta doon. Kung hindi, dapat kukuha pa rin kayo ng travel authority,” diin ni Eleazar dagdag nito. VERLIN RUIZ
Comments are closed.