(Metro Mayors lumagda na) READY NA ANG COVID VACCINES

NAKAHANDA na ang Metro Mayors sa para sa pagbibigay ng CO­VID-19 vaccines para sa kanilang mga kasasakupan.

Ito ay makaraang makipagkasundo ang mga alkalde mula sa Makati City, Mandaluyong City, Las Piñas City, Caloocan City, Malabon City, Navotas City at Valenzuela City sa British-Sweden multinational pharmaceutical company, AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa COVID-19.

Naging maagap naman ang Maynila dahil nakuha na nila ang bakuna at inihahanda na lamang ang paglalagyan nito para mapangalagaan ang bisa nito.

MANILA-OPIS­YAL ng nakuha ng pamahalaang lokal ng Maynila ang anti-CO­VID 19 vaccines para sa 400,000 nitong mga residente at nakapag-order na rin ng 12 refrigeration system units para sa vaccine storage.

Sa flag raising ceremony nitong Lunes, inanunsiyo ni Mayor Isko Moreno na nilagdaan na nito ang dokumento mula sa City General Services Office (CGSO) para sa pagbili ng hindi lamang freezer units kundi maging ng 50 units ng transport cooler kung saan ilalagay ang vaccines habang binabiyahe upang mapangalagaan ang bisa nito.

Nabatid na ang halaga ng freezers at transport coolers ay nasa P8 million na maaari rin gamitin ng anim na city-run hospitals kung wala ng pandemya.

Ayon pa kay Moreno, nagtatayo na ng “Manila COVID-19 Storage Facility” sa Sta. Ana Hospital na magsilbing lagakan ng the COVID vaccines.

Ani Moreno, naisara na niya at pormal nitong nilagdaan noong Linggo ang isang Tripartite Agreement para sa inisyal na pagbili ng bakuna laban sa COVID-19 sa AstraZeneca Pharmaceutical Philippines.

Ito ay matapos ang huling technical meeting ni Moreno sa mga opisyal ng AstraZeneca na dinaluhan din ng mga kinatawan ng IATF at Department of Health.

Matatandaan, noong Enero 4, isang resolusyon ang ipinasa ng Manila City Council na nagkakaloob ng kapangyarihan kay Moreno para lumagda sa isang kontrata kaugnay sa pagbili ng bakuna.

Nabatid na P250 milyon ang inisyal na pondo na pambili ng bakuna ng Lungsod ng Maynila ngunit, may nakahanda pa itong karagdagang P1 bilyon para pambili ng bakuna sa ibang pang pharmaceutical company. VERLIN RUIZ

MAKATI CITY- INIHAYAG naman ni Makati City Mayor Abigail “Abby” Binay na nilagdaan na nito ang ‘tripartite agreement’ kahapon sa British-Swedish biopharmaceutical company at national government upang makabili ng isang milyong doses ng AstraZeneca para sa bakuna ng COVID-19.

Ang paglagda ng lokal na pamahalaan sa naturang ‘tripartite agreement’ ay dumaan sa pamamagitan ng ‘electronic means’ ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Ayon kay Binay, nais ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng residente ng lungsod kabilang ang mga nagmamay-ari ng lupa, negosyante, pati na rin ang mga hindi nakare­histrong mga botante na nakatira sa Makati.

“Nais naming ma­ging ligtas ang lahat sa virus at target naming na mabakunahan ang 100% na indibidwal sa lungsod,” ani Binay.

Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang lahat ng residente na samantalahin ang libreng bakuna ng ipinagkakaloob ng Makati kung saan maglulunsad ang lungsod ng online registration portal sa mga susunod na linggo.

Nito lamang nakaraang linggo, inanunsyo ni Binay na ang lungsod ay maglalaan ng halagang P1bilyon upang makabili ng bakuna laban sa CO­VID-19. MARIVIC FERNANDEZ

MANDALUYONG CITY-LUMAGDA na rin sa isang tripatrite agreement si Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos sa pagitan ng Astra Zeneca Pharmaceuticals Philippines, Inc. at ng national Government para sa maagang pagbili ng COVID 19 vaccine sa halagang P200 milyon.

Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Enero 6 ang Resolution No. 2961, Series 2021, kung saan pinapayagan si Abalos na pumasok, lumagda, at magpatupad ng isang multilateral agreement sa AstraZeneca.

Nagkaisa sina Abalos at ang Sangguniang Panlungsod sa pagpili sa bakunang gawa ng AstraZeneca dahil ito ay inaprubahan na ng United Kingdom government noong Disyembre 30, 2020.

Ang local subsidiary na AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines, Inc. ay nag-alok din sa pamahalaang lungsod ng nasabing bakuna sa mas mababang halaga at mas madaling ipamahagi dahil kinakailangan lang nito ng 2 hanggang 8 degrees celsius na temperatura. ELMA MORALES

LAS PIÑAS CITY- NAKIPAGKASUNDO na rin si Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar sa British drug maker AstraZeneca para sa supply ng COVID-19 vaccines na naglalaan ng 300,000 doses para sa mga residente sa lungsod.

Ang national go­vernment ang nagpasya sa alokasyon na 300,000 doses na bakuna para sa Las Piñas sa ilalim ng COVID- vaccination program ng pamahalaan.

Ani Aguilar, inaasahang darating ang bakuna ng AstraZeneca sa buwan ng Hulyo ngayong taon na ipagkakaloob ng libre at prayoridad na unang babakunahan ay ang frontliners kabilang ang medical at health care workers,mga tauhan ng Las Pinas City Police,senior citizens,ibang sector na may matinding pangangailangan nito at mahihirap na residente sa lungsod.

P200 milyon ang inilaan ng pamahalaang lokal bilang karagdagang pondo sa national go­vernment para sa pagbili ng COVID-19 vaccines upang mabigyan ng libreng bakuna ang mga Las Piñeros.

“Nakahanda ang ating lokal na pamahalaan na maglabas ng karagdagang pondo at tuluy-tuloy ang ating pakikipag-ugnayan sa local pharmaceutical company para masiguro na mabakunahan ang mga taga-Las Piñas,” pahayag ni Aguilar. MARIVIC FERNANDEZ

CAMANAVA-TINIYAK ng apat na alkalde ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) sa kani-kanilang nasasakupan na magkakaroon na ng bakuna para sa COVID-19 na magagamit sa simula sa ikalawang quarter ng taon.

Ito ay matapos inahayag nina nina Caloocan Mayor Oscar Malapitan, Malabon Mayor Antolin Oreta III, Navotas Mayor Toby Tiangco at Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na gumawa na sila ng kasunduan sa British-Sweden multinational pharmaceutical company, AstraZeneca para sa pagbili ng bakuna sa COVID-19.

Ayon kay Malapitan, hindi bababa sa 600,000 doses ang bibilhin ng Caloocan sa AstraZeneca bilang bahagi ng CO­VID-19 vaccination program ng lungsod.

Sinabi naman ni Oreta na ang Malabon ay naglaan din ng paunang halaga na P150-milyon sapagkat ito rin ang tiniyak ng nasabing pharmaceutical company para sa bakuna sa COVID-19.

Sa Navotas, sinabi ni Tiangco na sumang-ayon ang AstraZeneca na ibigay sa lungsod ang paunang 100,000 doses na maaaring mapakinabangan ng 50,000 na residente dahil dalawang doses ang kinakailangan para sa bawat indibidwal.

Aniya, inaprubahan ng city council ang paglabas ng P20-milyon para sa layuning ito.
“Good news! Valenzuela City signs a deal with AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines for the advance purchase of 640,000 AstraZeneca vaccine doses” pahayag naman ni Mayor Gatchalian sa kanyang FB page.

Ani Gatchalian, inihahanda na nila ngayon ang vaccine roll out plan ng lungsod upang maging maayos na ang distribusyon ng bakuna kapag nagsimula na itong dumating.
Nasa 320,000 mga indibidwal ang mababakunahan, na 70 porsyento ng target na populasyon ng lungsod (hindi kasama ang 18 taong gulang sa iba­ba). EVELYN GARCIA

Comments are closed.