METRO MAYORS, MAGPUPULONG PARA SA IREREKOMENDANG QUARANTINE STATUS

Edwin L. Olivarez

Magkakaroon ng pagpupulong ngayong  Linggo ng gabi ang metro mayors na bumubuo sa Metro Manila Council (MMC) upang talakayin ang kanilang ibibigay na rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung mananatili ang modified enhanced community quarantine (MECQ) o kanilang ibabalik sa status ng general community quarantine (GCQ) ang buong National Capital Region (NCR).

Ito ay napag-alaman kay Parañaque City Mayor at MMC chairman Edwin L. Olivarez na nagsabing mauuna na munang magpulong ang lahat ng alkalde sa Metro Manila upang makapagbigay sila ng kanilang rekomendasyon bago pa man ianunsyo ng Malacañang sa Lunes ang magiging quarantine status ng NCR na kasalukuyang nasa ilalim ng MECQ ang Metro Manila kabilang ang mga karatig probinsya na Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal na magtatapos sa Agosto 18 (Martes).

“Ang MMC ay recommendatory lang po ‘yan habang ang IATF naman ang magbibigay ng rekomendasyon sa ating mahal na presidente,” ani Olivarez.

Sinabi ni Olivarez na ang alam ng mga metro mayors malaking perwisyo na ang nagawa ng COVID-19 sa ekonomiya ng bansa ngunit hindi rin naman nila basta isasakripisyo ang kalusugan ng mga tao pati na rin ang pagpapatupad ng health protocols upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19.

Ipinunto rin ni Olivarez na maaga pa para sabihin na ang pagsasailalim sa mas mahigit na MECQ ng Metro Manila na magtatapos na sa mga susunod na araw ay mayroong magandang resulta.

Matatandaan na muling ibinalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasailalim sa NCR ng mas mahigpit na MECQ matapos mapagbigyan ang pakiusap ng mga napapagod na medical frontliners dahil sa patuloy pa rin na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.

“Sa aming pagpupulong, ang umiiral talaga ‘yun pong buhay, ‘yun pong pangunahing binibigyan natin ng prayoridad, ‘yun pong buhay, kalusugan ng bawat isa, pero ‘yung ekonomiya binabalanse po ‘yan,” ani Olivarez.

Sinabi pa ng alkalde na kahit pa ianunsyo ng Pangulo ang pagbabalik sa mas maluwag na GCQ ang Metro Manila ay kailangan pa ring sundin ang  helath protocols kabilang ang paggamit ng face masks at face shields gayundin ang pagpapatupad ng physical distancing.

“Kung mag-GCQ tayo, ating i-implement ang health protocol talaga—pagsusuot ng face mask, social distancing at simula ngayon (Agosto 15) ma-implement ang pagsusuot ng face shield sa lahat ng businesses, mga empleyado po nila, at sa lahat ng sasakay ng public utility vehicle,” pagtatapos ni Olivarez. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.