METRO MAYORS TUTOL SA PAGBUBUKAS NG SINEHAN

HINDI kumbinsido ang Metro Manila Council (MMC) sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) tungkol sa pagbubukas ng mga sinehan sa mga lugar na napapailalim pa sa general community quarantine o GCQ tulad ng sa National Capital Region (NCR).

Ito ang napag-alaman kay MMC chairman at Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez na nagsabing magkakaroon ng emergency meeting ang mga metro mayor para sa pag-apela sa desisyon ng IATF dahil hindi umano dumaan ito sa maayos na konsultasyon sa kanila.

“Ang isang napansin lang po namin dito ay tungkol sa sinehan kasi hindi po nagkaroon ng proper consultation tungkol po sa specifics ng sinehan,”anang alkalde. .

“Alam naman po natin ang sinehan, enclosed po yan at mahigit po na isang oras sa gathering ng sa enclosed at air-conditioned,” dagdag pa nito.

Sinabi nito, ang mga metro mayor ay may reserbasyon sa naturang desisyon ng IATF sa pagbubukas ng mga sinehan.

Bukod pa sa pagbubukas ng mga sinehan,nag-aalala din ang MMC sa muling pagbabalik operasyon ng mga video at inter-active arcades.

“Yan po yung isa pa naming worries, kasi halos dikit-dikit po yan at enclosed ‘yun at alam po natin na hindi pa po pinapayagan ang mga bata para po lumabas,” ani Olivarez.

Kaugnay naman sa karagdagang kapasidad ng mga relihiyosong pagtitipon ay sang-ayon ang mga metro mayor sa nagging desisyon dito ng IATF.

“Sang-ayon lahat ng Metro Manila mayors na payagan ang 50% capacity sa mga religious gatherings, provided na ‘yung minimum health protocols ipatutupad din po iyan,” diin pa ng alkalde.

“Nakikita naman po natin na open air naman ang ating mga simbahan so ‘yun pong contamination, mako-control po ‘yon,” dagdag pa nito.

Matatandaan nitong Biyernes (Pebrero 12) ay inianunsyo ng Malacañang na pinapayagan na ng IATF ang pagbubukas ng iba pang klase ng negosyo tulad ng sinehan, museums, driving schools, libraries at tourist attractions tulad ng theme parks sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ simula ngayong araw,Pebrero 15 na sumusunod sa guidelines ng Department of Health at ng iba’t-ibang local government units (LGUs). MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.