METRO PACIFIC INVESTMENTS CORP AT MAYNILAD SUPORTADO ANG PAGLILINIS NG MANILA BAY

Magkape Muna Tayo Ulit

MAGANDANG balita. Ang Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) at ang Maynilad Water Services ay nagbigay suporta sa pagli-linis at rehabilitasyon ng Manila Bay sa pamamagitan ng ‘Adopt-an Estero Program’.

Nagpirmahan ang dalawang malala­king kompanya at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng isang kasunduan upang tumulong sa paglilinis ng mga estero sa Maynila na sumasangay ang daloy ng tubig papalabas ng Manila Bay. Ang nasabing ka­sunduan ay tatagal ng limang taon.

Ayon sa MPIC, kasama na sa kanilang corporate social responsibility o CSR ang protektahan at pangalagaan ang ating kalikasan. Kasama na rito ang pagtulak  ng maayos na kalusugan at kaligtasan ng ating lipunan. Kaya naman ang nasabing kasunduan ay magbibigay ng dagdag na lakas sa pro-grama ng ating pamahalaan sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa totoo lang, mala­king bagay ang suporta ng pribadong sektor sa mga ganitong hakbang. Ilang dekada na ang nakalipas at ang mga estero natin ay patuloy na naging tambakan ng basura ng mga nakatira sa mga gilid nito.

Ang lokal ng pamahalaan, katulong ang Metro Manila Development Authority (MMDA), ay regular na taon-taon na naglilinis ng ating mga estero at kanal bilang pag-agap ng baha pagdating ng tag-ulan. Subalit taon-taon din, ang mga residente sa tabi ng estero ay patuloy ang pagtatapon ng ba­sura. Marahil nasa isip nila ay nandiyan ang a­ting gobyerno upang linisin ito. Haaaay. Anong klaseng pag-iisip naman ito?

Umaasa ako na ang MPIC at ang Maynilad ay makatutulong din sa pamamagitan ng pagbigay-edukasyon sa mga residente sa mga masasamang asal na gawain tulad ng pagtatapon ng basura sa ating mga estero.

Si dating DENR Sec. Gina Lopez ay inumpisahan ang rehabilitasyon ng ilang estero sa Maynila. Ang mga iba na da­ting tambakan ng basura ay na-gawa niyang isang maganda at maaliwalas na parke na maaaring pasyalan ng mga residente roon.

Sana ay kasama ito sa plano ng MPIC at Maynilad. Sa ilalim ng kasunduan ng MPIC at DENR, aayusin nila ang mga sumusunod na estero: Estero de Vitas, Estero de San Lazaro, Estero de Kabulusan, Estero de Magdalena, Estero de Binondo, Estero dela Reina, Estero de Sampaloc, Estero de San Sebastian, Estero de San Miguel, Estero de Valencia, Estero de Quiapo, Estero de Uli-Uli, Estero de Paco, Estero de Pandacan, Estero de Tanque, Estero de Balete, Estero de Provisor, Estero de Concordia, Estero de Sunog Apog, at Estero de San Antonio Abad.

Comments are closed.