MGA 12-ANYOS PABABA TARGET MABAKUNAHAN NG ANTI-COVID-19

PLANO  ng pamahalaan na palawakin pa sa susunod na taon ang pediatric COVID-19 vaccination sa mga batang below 12 years old sa bansa.

Kasunod na rin ito ng pag-apruba na ng US Centers for Disease Control and Prevention sa paggamit ng Pfizer COVID-19 vaccine para sa mga batang nasa edad 5-11 years old.

“We have considered that for our plans of next year’s vaccination of below 12 years old. Kailangan may Health Technology Assessment Council recommendation tapos ano yung bakuna na bibilhin na puwede sa below 11 years old,” ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje.

“Napag-uusapan na ‘yan at nilagay na ng ating planners ng programa for next year,” aniya pa.

Matatandaang Oktubre 15 nang simulang bakunahan ng pamahalaan ang mga 12-17 years old na may comorbidities.

Nito namang Miyerkoles, Nobyembre 3, sinimulan na ng pamahalaan ang pagbabakuna sa lahat ng mga batang nagkakaedad 12-17 taong gulang.

Iniulat din ni Cabotaje na hanggang 6:00 ng gabi nitong Martes ay nasa 40,419 o 3.18% na ng mga kabataang may comorbidities ang nakatanggap ng unang dose ng bakuna.

Suportado rin aniya niya ang panukalang “family vaccination” ngunit ang priority lanes ay dapat na para sa priority sectors gaya ng mga senior citizen at mga immunocompromised.

“We are hoping with the opening up of our pediatric age group maengganyo na rin ang ating mga lolo, mga lola,” aniya pa. “If the whole family is vaccinated, they are protected. We agree with that proposal. It is already being done in many areas, spaces.”

Matatandaang target ng pamahalaan na makapagbakuna ng may 77 milyong katao o 70% ng populasyon ng bansa bago matapos ang taon, upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19. Ana Rosario Hernandez