MGA ABERYA SA KARAGATAN

DAHIL  sa lumubog na MT Princess Empress noong ika-28 ng Pebrero, natapon sa dagat ang 800,000 litro ng langis na dala-dala ng naturang barko. Ang oil spill ay nakakaapekto sa kalusugan ng mga mamamayang nakatira malapit sa lugar, pati na sa mga lamang-dagat. Kaya’t ipinag-utos ang madaliang paglilinis o cleanup sa Oriental Mindoro.

Ito ay bahagi lamang ng napakalaking suliranin ng Pilipinias—at ng mundo—kaugnay ng ating karagatan. Ang plastic pollution ay isa pang isyu na hinaharap ng lahat dahil nasa 2.3 milyong tonelada ng plastik na basura ang nasa karagatan sa kasalukuyan, ayon sa mga pag-aaral. Sa paglipas ng taon, napakabilis umano ng pagdami ng basura, ang sabi ng mga siyentipiko at eksperto. At kung hindi umano ito tutugunan ng mabilis at naaayong aksyon at mga polisiya, magiging mas mabilis pa ang pagdami ng mga plastik na basura sa ating mga karagatan.

Bukod pa sa mga malalaking suliraning nabanggit sa itaas, inilabas ng isang bagong pag-aaral ang datos na nagsasabing mas malaking bahagi ng mga malalaking siyudad sa Asya ay maaaring lumubog sa taong 2100 dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ating mga karagatan dahil sa climate change. Apektado ang milyon-milyong tao dahil dito.

Dito sa Maynila, halimbawa, nakasaad sa pag-aaral na mas madalas ng 18 beses ang mga coastal flooding sa susunod na siglo. Ngunit kung titignan ang mga natural na pagbabago sa taas ng tubig sa mga karagatan, maaaring maging 96 beses na mas madalas ang pagbaha, kumpara sa dati. Dahil sa mga lumalabas na resulta ng mga bagong pag-aaral, napakahalagang maunawaan ng lahat na mabilisan at kagyat na aksyon ang kinakailangan.