(Mga accomplishment kahanga-hanga) BAGONG FOREIGN AFFAIRS SEC PINURI SI CAYETANO

DFA Secretary Teodoro Locsin Jr

Sa ilalim ng pamumuno ni da­ting Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano, napahusay ang pagpo-proseso ng passport pati na rin ang serbisyo at tulong para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa buong mundo.

Ito ang pahayag kamakailan sa social media ni DFA Secretary Teodoro Locsin Jr. na pinuri ang mga ipinatupad na reporma ni Cayetano noong panahon ng kanyang panunungkulan sa ahensya.

Sa isang post sa Twitter, sinabi ni Locsin na mas napaganda ang frontline services ng DFA sa panahon ng panunungkulan ni Cayetano.

Dahil na rin sa pagsisikap ni Cayetano kaya naisama sa courtesy lane ang senior citizens at isa nilang kamag-anak, mga taong may kapansanan at isa nilang kaanak, mga batang edad pito pababa, ang kanilang mga magulang at menor de edad na kapatid, mga buntis, nagbabalik na overseas Filipino workers (OFWs), gayundin ang solo parents at kanilang menor de edad na mga anak.

Mas umikli rin ang paghihintay sa passport bunsod ng mga programang ipinatupad ni Cayetano kasama na ang pag-dagdag ng kapasidad ng DFA na tumanggap ng bugso ng mga aplikante. Kasama na rito ang pagtanggap ng payment sa e-payment scheme at ang pagbubukas ng mahigit na 10,000 slots simula 12 noon at 9 p.m., Lunes hanggang Sabado, hindi lamang kasali ang holiday.

Mula sa 9,500 na pasaporteng naipo-proseso araw-araw noong Mayo ng nakaraang taon, umabot na sa 20,000 pasaporte ang kayang iproseso ng DFA sa isang araw.

Upang mapataas pa ang kapasidad, gumawa ng mga hakbang ang Department of Foreign Affairs, kasama na rito ang pag­lulunsad ng e-payment portal kung saan tumaas ang showup rate ng mga aplikante mula 65 porsiyento ay naging 95 porsiyento at lalong pinabilis ang pagproseso ng papeles kaya naman mas maraming aplikante ang natatanggap ng DFA.

Inilunsad din ang Passport on Wheels (POW) kung saan itinalaga ang mga ito sa 201 lokasyon as of September 19, at napagsilbihan ang mahigit 200,000 applicants sa buong bansa.

Binuksan ang tatlong consular offices sa Ilocos Norte, Isabela at Laguna. Meron pang ibang consular offices na bubuksan bago matapos ang taon sa Bulacan, Cavite, Rizal, Davao del Norte, Misamis Occidental at Tarlac.

Kinansela rin ng DFA ang mga pekeng appointment.

Binago na rin ang disenyo ng sistema sa mga pag-prompt sa mga aplikanteng puwedeng dumaan sa courtesy lane kung saan ‘di na nila kinakailangan na dumaan sa online appointment

Inasikaso rin Cayetano ang kapakanan ng milyon-milyong mga OFW sa buong mundo. Sa panahon ng kanyang panunungkulan sa DFA, sinagot ng ahensya ang exit fines, iba pang penalties at airline tickets ng mga uuwi nating kababayan. Dagdag pa rito, binigyan din sila ng tulong pinansiyal.  PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.