MGA AKSAYADO SA TUBIG AARESTUHIN

AARESTUHIN ng Philippine National Police (PNP) ang mga mag-aaksaya ng tubig.

Ito ang tiniyak ng pulisya kasunod ng pahayag na tutulong sila sa mga water utility company sa pamamagitan ng panghuhuli sa mga taong magsasayang ng tubig ngayong nagsimula na ang strong o rurok ng El Nino.

Ang pahayag ng PNP ay kasunod ng ng natanggap na atas ng Department of Interior and Local Government na tumulong sa mga local government unit sa paglalatag ng mga paaraan para makatipid sa tubig.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga water utility company para tumulong sa paghuhuli sa mga sangkot sa pagsasayang ng tubig

“Ready palagi ang PNP na mag-provide ng law enforcement assistance if the need arises,” ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.

Kasabay nito, ipinalalala rin ng PNP sa kanilang mga tauhan ang matagal na nilang polisiya kaugnay sa energy at water conservation.

“It’s just a matter of reiterating and reminding them na kung may mga sirang tubo sa inyong mga stations dapat irepair yun para hindi nasasayang ang tubig,” dagdag pa ni Fajardo.

Pinag-aaralan na rin ng PNP ang pagkakaroon ng mga rain catchment facility sa kanilang mga tanggapan at kampo sa buong bansa upang makatulong sa pagtitipid sa tubig.
EUNICE CELARIO