SINIMULAN na ang pagdinig sa kasong pagpatay kay broadcaster Percy Lapid kung saan naghain ng not guilty plea ang mga akusado sa Las Piñas Regional Trial Court (RTC) nitong Biyernes.
Ayon sa kapatid ng pinatay na broadcaster na si Roy Mabasa, naghain ng not guilty plea sa pamamagitan ng video call ang lahat ng akusado na kasalukuyang nakadetine sa National Bilibid Prison (NBP) at Bureau of Jail Management (BJMP).
Sinabi ni Mabasa na ang self-confessed gunman na si Joel Escorial na isinailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno ay lumahok din sa pagdinig sa pamamagitan din ng video call kung saan naghain na rin ng not guilty plea sa pagpatay kay Lapid.
Hindi naman sumulpot sa pagdinig ang mga itinuturing na mastermind sa pagpatay kay Lapid na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at ang BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta na naisyuhan ng warrant of arrest ng korte laban sa kanila na kasalukuyang nagtatago at nakalalaya.
Dagdag pa ni Mabasa na ang isa sa mga abogado ng persons deprived of liberty (PDLs) ay naghain naman ng mosyon na plea bargaining agreement na humihingi ng mas maiksing sentensiya ang mga PDLs.
Nakatakda ang susunod na pandinig sa kasong pagpatay kay Lapid sa sala ng may hawak ng kaso na si Las Piñas RTC Presiding Judge Harold Cesar C. Huliganga ng Branch 254 sa darating na Hunyo 19 (Lunes).
Matatandaan na si Lapid ay inambush at napatay noong Oktubre 3 ng nakaraang taon habang sakay at minamaneho ang kanyang itim na Toyota Innova papasok ng gate ng BF Resort Village, Talon II, Las Piñas patungo sa bahay ng kanyang anak kung saan siya nakatakdang magprograma ng mga oras na iyon.
MARIVIC FERNANDEZ