MGA ALAGAD NG SINING POSITIVE SA PANDEMYA

art

HINDI  naging hadlang para sa mga alagad ng sining  ang pandemya bagkus ay naging daan ang lockdown upang sila ay magkaroon ng oras  na makagawa at makapaghanda ng kanilang mga obra.

Napatunayan ito sa mga naggagandahan at kahanga-hangang mga obra  ng mga batikang artist na kalahok sa ManiArt 2020 na matagumpay na binuksan nitong Disyembre 9 sa SMX Convention Center sa SM Aura, Taguig City. Nilahukan ito ng iba’t ibang gallery  at maraming artists.

Para kay Angeliko ‘Jik’ Villanueva isang iskultor,  sinamantala niya ang pagkakataon upang mapagtuunan ng higit na pansin at oras ang kanyang mga sculptures. Kabilang sa mga natapos nito ay ang bull na  may titulong “Vigor” na gawa sa brass na naging halos kulay berde ang kulay dahil  sa pagkakalantad sa araw at ulan nang halos dalawang buwan. Natapos din nito ang ‘Thy will be Done” na sculpture ni Hesukristo na gawa rin sa brass. “Hindi pa rin nawawala sa atin si Jesus Christ kasi diyan tayo humuhugot,” sabi ni Villanueva.

Hindi rin naging hadlang ang pandemya kay Ronna Manansala, ang apo ng National Artist na si Enteng Manansala dahil sa mga panahon na ito ay marami siyang commissioned art works.  Isang propesora sa College of Communications sa Polytehnic University of the Philippines (PUP) si Manansala  at dahil sa online siya nagtuturo sa kanyang mga estudyante ay nagkakaroon din siya ng oras na subukan ang ibang mga tema sa pagpipinta.

Pinatunayan ni G. Danny Rayos Del Sol, curator para sa ManilART, ang National Art Fair ng National Commission for Culture and Arts (NCCA)  na  higit na naging produktibo ang mga alagad ng sining sa panahon na halos tigil ang lahat nang ipatupad ang ECQ noong Marso.

Sinabi ni Del Sol na mas nakapaghanda ang mga artist.

“Ito ang magandang oportunidad para ipakita ang kanilang mga magagandang obra. Ang ganda nga ng nangyari dahil mula Oktubre ay iniurong ang ManilArt ng Disyembre at nakapaghanda nang todo ang mga artist.”

Kabilang din sa mga kalahok sina master painter Mulong Galicano, iskultor na si Ramon Orlina, at marami pang iba.

Magtatagal ang  ManilArt ngayong araw, hanggang Disyembre 14.

Mga teksto at larawan ni SUSAN CAMBRI

Comments are closed.