Ipinag-utos ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ilabas at sagipin na ang lahat ng alagang baboy na nagnegatibo sa African Swine Fevet (ASF) sa lalawigan ng Batangas at pigilan naman ng mga check points ang pagpalabas ng mga infected matapos kumalat at magka-outbreak sa sakit na ito ang mga naturang hayop na nagdulot ng pinsala sa kabuhayan ng hog raisers na tinatayang umabot na sa P103 milyon sa lalawigan.
“We will do checkpoints in coordination with the Philippine National Police (PNP), LGU(local government unit) and the Armed Forces para hindi na makalabas yung infected na baboy. Lahat ng baboy na nag-test na negative ay ilalabas natin ng Batangas,” ang sabi ni Laurel.
“Bukod dito ay magsasagawa ng mass testing ang Kagawaran upang matukoy kung alin ang mga baboy na ligtas ilabas ng lalawigan.
“We will be doing mass testing ng baboy, lahat ng negative ay ilalabas na ng Batangas.Yung mga infected na baboy if it’s safe to eat or not, as long as it’s well cooked or well done, talagang lutong luto, should not be an issue,” sabi ni Laurel.
Samantala,isinailalim na sa state of calamity ang Lobo, Batangas matapos kumalat ang naturang sakit ng alagang baboy sa 17 mula 26 na barangay ng bayan. Kaya umaapela na ng tulong ang mga magbababoy matapos umabot sa P103 million ang halaga ng pinsala ayon sa DA. May dalawa pang bayan sa Batangas ang apektado ng ASF. At hininilang nagsimula sa mga sakit na infected na baboy na ibinaon na sa lupa pero muling lumutang dahil sa baha.
Sinabi naman ni DA Assistant Secretary Constante Palabrica na tuloy ang emergency procurement ng 10,000 doses ng bakuna kontra ASF at may P300 milyong pondo para sa kabuuang 150 milyong doses na bibilhing bakuna.
Hinikayat pa ng DA ang iba pang mga lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Batangas na magdeklara na ng state of emergency sa mga munisipalidad sa Batangas upang makapaglabas ng pondo para sa agarang pambili ng bakuna kontra sa kumakalat na sakit na ito ng mga alagang baboy ng hog raisers sa naturang lugar.
Ito ay matapos umabot na sa tinatayang bilang na 1,523 ang alagang baboy ang na “cull” dahil sa patuloy na pagkalat nito sa anim na lugar sa Batangas.
Ayon kay Provincial Veterinarian Office (PVO) chief Romelito Marasigan kabilang sa mga lugar sa Batangas na apektado na ng outbreak ng ASF ay ang Lobo na may 17 affected barangays; Calatagan, lima; Lian and Talisay, dalawa kada isa, at Rosario and Lipa na may tig-isa..
Sa pahayag naman ng Batangas Provincial Veterinary Office (PVO), umabot na sa 1,523 na alagang baboy na infected ng ASF ang na-cull matapos unang may maitala ng kaso ng naturang sakit noong Hulyo 16 bago ito.mabilis na kumalat at nagkaroon ng outbreak. Sinabi ni PVO Chief Romelito Marasigan na marami sa mga nag-aalaga ng baboy sa naturang lugar ay backyard hog raisers na posibleng pinagmulan ng virus.
Samantala, nakapagtala rin ng kaso ng ASF sa dalawang bayan at siyudad sa lalawigan ng La Union.
Ayon kay Dr. Alfiero Banaag, DA-Ilocos regulatory division chief, ang naiulat na may kaso ng ASF ay Balaoan, Luna at sa San Fernando City.
Nagsagawa na rin ng culling sa humigit kumulang 329 na alagang baboy sa Balaoan,56 mula Luna, at 30 sa San Fernando City. May temporary ban sa live swine sa mga naturang.lugar sa loob ng isang buwan.
Nasa 72 sa mga apektadong backyard hog raisers ay bibigyan ng P5,000 kada ulo ng culled swine sa maximum na 20 ulo kada raiser. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia