(Mga alagang baboy sa Cauayan City ligtas sa ASF) ASUNTO SA MGA NAGPAPAKALAT NG FAKE NEWS

ASF-10

ISABELA – MAGPAPATAWAG ng pulong si Cauayan City Mayor Bernard Faustino La Madrid Dy upang pigilan ang paglawak ng fake news hinggil sa umano’y may African Swine Fever (ASF) sa lungsod.

Mariin na pinabulaan ng alkalde na umabot na ang ASF sa kanilang mga babuyan.

Sinabi nito na nagdudulot ng pangamba sa mga hog raiser ang kumakalat na maling mga balita na dahilan para mag-panic ang mga ito at ipagbili na nila sa murang halaga ang lahat ng kanilang mga alagang baboy.

Nilinaw pa rin ng punong lungsod na wala pang ASF sa Cauayan at wala pang ipinapatupad na culling sa mga baboy, sakali man umano na magkaroon ng kaso ng ASF sa lungsod ay mismong ang pamahalaang lungsod ang maghahayag nito.

Maliban sa mga nag-aalaga ng baboy, buy and sell at nagtitinda ng karne ng baboy ay ipinatawag din sa naturang pagpupulong ang mga opisyal ng barangay dahil sila ang mga nakakakita sa mga nangyayari sa kanilang nasasakupan.

Muli namang ipinanawagan ng punong lungsod sa mga residente ng Cauayan na ipadaan lahat sa slaughter house ang mga kakataying baboy ng mga inaasahang pagdiriwang ng pista sa mga barangay at maging sa okasyon upang maiwasang makapasok ang ASF sa Lungsod ng Cauayan.

Nagbabala rin si Mayor Bernard Dy, sa mga nagpapakalat ng fake news na huhuliin ang mga ito at kakasuhan ng economic sabotage na walang piyansa.

Nilinaw rin ng mayor na hindi totally ban ang ipinapatupad  sa kaniyang nasasakupan.

Aniya, pinapayagan pa rin ang mga karne ng baboy na makapasok sa lungsod subalit dapat ay kompleto ang papeles nito na nagpapatunay na wala itong ASF. IRENE GONZALES

Comments are closed.