MGA ARTISTANG BULAKENYO, PINARANGALAN NG KISLAP NG SINING SA BULACAN 2019

KISLAP NG SINING

LUNGSOD NG MALOLOS – PINARANGALAN ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office ang talento ng pitong indibidwal at limang grupo ng mga artistang Bulakenyo sa ginanap na “Kislap ng Sining sa Bulacan 2019” sa Nicanor Abelardo Auditorium kamakailan.

Kabilang sa mga pinarangalan ng Kislap ng Sining sa Bulacan sa Larangan ng Musika sina Dannah Alexa Garcia at Mardy Maye Lising mula sa Lungsod ng San Jose del Monte; Ma. Shanaine Lopez at Shannon Joseph Lopez mula sa Pulilan; Nhar Kenjie de Jesus mula sa Hagonoy; at DYCI Dagalak mula sa Bocaue.

Gayundin, ibinigay ang Kislap ng Si­ning sa Bulacan sa Larangan ng Pelikula kina Julius Erman “Empoy” Marquez mula sa Baliwag, Luis Custodio IV mula sa Bulakan at BulSU Cinephilia mula sa Lungsod ng Malolos; habang ginawaran naman ang FCPC Baliktanaw at Kenyo Street Fam mula sa San Jose del Monte at Bulacan Ballet & Arts Academy mula sa Guiguinto ng Kislap ng Sining sa Bulacan sa Larangan ng Pagsayaw.

Sa mensahe ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na inihatid ni Provincial Administrator Eugenio C. Payongayong, binati niya ang mga pinarangalan sa pagtataguyod ng kanilang talento at pagpapalawig nito sa kanilang larangan.

“Sa lahat ng mga Bulakenyo na alagad ng sining na kikilalanin sa araw na ito, kayo po ang mga makina na hiyas na patuloy na nagpapakislap at pumapalamuti sa putong ng kadakilaan ng lalawigan ng Bulacan. Hangad po naming patuloy ninyong maihayag sa inyong mga katha at kahusayan ang kadakilaan at kabutihan ng Panginoong Diyos,” ani Alvarado.

Samantala, nagpasalamat si Custodio, isa sa mga pinarangalan, sa pagkilala sa ta­lento ng mga Bulakenyo na maipagmamalaki hindi lamang dito sa bansa kundi maging sa buong mundo.

“Ang pagkilalang ito ay magsisilbing ins­pirasyon upang lalo pa naming mapalawig at mapaghusayan ang sining na bigay ng Maykapal. At dahil dito, sa lahat ng ­aming gagawin at anuman ang aming mara­ting, ang Inang Lalawigang Bulacan ay aming dadakilain,” ani Custodio.

Ang Kislap ng Sining sa Bulacan ay nagbibigay ng pagkilala sa natatanging ambag ng mga artistang Bulakenyo na nagpamalas ng angking galing sa larangan ng ­sining at kultura.

Ito ay kumikilala sa mga mahuhusay na Bulakenyo na nanalo sa pang nasyunal na patimpalak o sa mga dalubhasa  na nabigyan ng pagkilala sa iba’t  ibang larangan ng ­sining o sa mga nakapag-uwi ng mga international awards sa taong 2018. A. BORLONGAN

Comments are closed.