(Mga atleta puwede nang magsanay) NEW CLARK CITY STADIUM BUKAS NA SA AGOSTO

Athletic Stadium

BUBUKSAN na sa Agosto ang Athletic Stadium sa New Clark City bilang paghahanda sa idaraos na 30th Southeast Asian  Games sa bansa.

Ito ang inihayag ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) president Vince Dizon nang mag-site visit sina Senators Panfilo Lacson at Gringo Honasan nitong Huwebes sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ani Dizon, puwede nang magsanay ang mga atleta ng bansa na sasabak sa SEA Games sa unang linggo ng Agosto at maaari na rin silang manatili sa itinayo ring Athletes’ Village na halos katabi ng naturang stadium.

Ipinagmalaki ni Dizon na sa tulong na rin ng kanilang joint venture partner na MTD Philippines, ang itinayong stadium ay certified World class Athletic Stadium.

Sinabi pa niya na ang nasabing stadium ay may 20,000-seater na kayang tumanggap ng anumang klase ng international games.

Bukod sa stadium ay malapit na rin matapos ang 2,000-seater aquatics center, athletes’ village at ang national government administrative na sa loob ng 72 araw ay makukumpleto na.

“Right now I think we are at 85 to 88%. Ang gagawin na lang dito ay lilinisin na lang ’yung area at aayusin na lang ’yung landscape,” ani Dizon.

Gayunpaman, ni­linaw ni Dizon na gagawin ang opening ng SEA Games sa Nobyembre 30 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, habang ang closing ceremony ay gaganapin sa Athletics stadium sa New Clark City sa Disyembre 11. VICKY CERVALES

Comments are closed.