MALIIT na porsiyento lamang ng industriya ng baboy ang apektado ng ‘di pa malamang sakit, pahayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) kamakailan.
“So far naman ano, itong in-account du’n sa mga may problemang area is 0.002% ng total na stock ng hog industry, so maliit lang ito,” lahad ni SINAG chairman Rosendo So sa isang panayam.
Dumating ito matapos ang report ng maraming pagkamatay ng mga baboy sa ilang lugar sa bansa kung saan tatlong barangay ang nagdeklara ng quarantine zones matapos mamatay ang 100 baboy sa lugar nila.
Tumigil muna ang Department of Agriculture (DA) sa pagbibigay ng impormasyon sa mga eksaktong lokasyon ganu’n na rin sa “suspected diseases,” bilang bahagi ng biosecurity measures para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Habang hindi pa binanggit ng departamento ang tungkol sa nakahahawang sakit na African Swine Fever (ASF), inilagay na ng Taiwan ang Filipinas sa listahan ng lugar na may mataas na risk ng ASF.
Mula noong Agosto 19, lahat ng mga Filipino na bumibiyahe papuntang Taiwan ay dumadaan sa mahigpit na inspeksiyon sa airport at sa ibang ports of entry.
Kung ang DA ang tatanungin, ang presensiya ng ASF ay hindi pa naman kumpirmado. Nakapagpadala na ng blood samples sa Europa para ma-test para sa sakit ng hayop at inaasahan ang resulta sa loob ng dalawang linggo.
“So far, ang assurance naman natin up to December, sobra-sobra ang supply walang problema,” sabi ni So sa kaparehong pa-nayam kamakailan.
Ayon kay So, na ang pribadong sektor ay makikipagmiting sa DA ngayong linggo para pag-usapan ang mga mangyayari.
“Bukas may meeting kami with the DA… ‘yung group ng private sector with the DA para ayusin ‘yung protocol,” aniya.