SINIGURO ni Senate Finance Committee chairman Sonny Angara na mapopondohan ang mga bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng P4.1 trillion 2020 national budget.
Binigyang-diin ni Angara, mababalewa lamang ang mga bagong batas kung hindi mapaglalaanan ng pondo sa sandaling ipatupad ito.
Kabilang sa mga bagong batas na tinukoy nito, ang Republic Act 11194 o ang Conservation of the Gabaldon School Buildings Act na nilagdaan ng Pangulo nitong Enero.
Nabatid na sa 2020 General Appropriations Bill, binigyan ng Senado ng P616 million ang Department of Education (DepEd) para sa implementasyon ng naturang batas.
Nitong 2019, nakatanggap ang DepEd ng P2.06 billion para sa pagpapatupad ng RA 11194. At bukod sa panukalang 2020 national budget, nagbigay pa ang ehekutibo ng P383.9 million.
“These structures are considered part of Filipino heritage. They represent the roots of the public school system in the country. We must strive to preserve these buildings for the next generations to see and appreciate,” ani Angara.
Gayundin, sa 2020 national budget ay naglaan ng P1 bilyong alokasyon para sa implementasyon ng Republic Act 11230 o ang Tulong Trabaho Act na magbibigay ng free access sa Technical Vocational Education and Training (TVET) ng mga unemployed at out-of-school youth.
“Daan-daan, kung hindi libo-libo na, ang nagtagumpay sa tulong ng TESDA kaya nararapat lang natin na suportahan ang batas na ito,” giit ng senador.
Nilagyan din ng pondo para sa pagpapatupad ng Republic Act 11459 o Judges-at-Large Act na maglilikha ng 50 bagong judges na kung saan ay 30 sa regional trial courts at 20 sa metropolitan trial courts na siyang nakapaloob sa P2.5 bilyon dagdag budget sa judiciary.
At ang iba pang bagong batas na pinondohan na rin ay ang Republic Act 11293 o ang Philippine Innovation Act.at Republic Act 11036 o ang Mental Health Act. VICKY CERVALES
Comments are closed.