MGA BAGONG DOKTOR HINIMOK NA TUPDIN ANG ETHICAL AT PROFESSIONAL VALUES

PERSONAL na binati ni Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles ang nasa 1,573 na mga bagong doktor kasunod ng opisyal na panunumpa ng mga ito bilang licensed physician sa Philippine International Convention Center, Pasay City kamakailan.

“Today’s oath-taking is not merely a ceremony to practice medicine; it is a solemn act and eternal promise to adhere closely to the ethical and professional values of the medical profession. As you begin your work as licensed physicians and realize your aspirations and your goals, may you always remember the reason for choosing this path, to safeguard the health of others,” ang bungad ni Chairperson Nograles sa kanyang keynote speech.

Pinaalalahanan niya ang mga bagong Filipino doctor ng tatlong bagay, na aniya, ay dapat magsilbing gabay ng mga ito sa pagtahak sa kanilang bagong landas, ang pagiging healthcare professionals.

Una ay ang pagsasaisip na ang “public service is a public trust”, sumunod ay ang palagiang magsumikap at bilang kapalit sa kanilang narating ay magsilbing mentor o ituro rin sa iba ang kanilang nakuhang kaalaman, at ikatlo ay ang huwag ipagpalit ang kanilang integridad sa anumang bagay habang binabagtas ang katuparan sa kanilang mga pinapangarap.

Ibinigay na halimbawa ni Nograles sina Dr. Jose Jonas D. Del Rosario, mula sa Philippine General Hospital (PGH) at Dr. Annie Claire Pekas, ng Luis Hora Memorial Regional Hospital (LHMRH), na kinilala at ginawaran ng CSC ng Honor Awards Program dahil sa ipinamalas na dedikasyon ng mga ito sa kanilang propesyon sa kabila ng matinding hamon ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Nograles na batid niya na ang pagiging doktor ay higit pa sa isang uri ng hanapbuhay, at maituturing ito bilang bokasyon at isang humanitarian calling, na handang tunguhin ang malalayong lugar para lamang sa ikabubuti ng kanilang kapwa.

“Whether you choose to enter government or practice in private hospitals and institutions, as doctors, you are foremost, public servants, and you MUST at all times, be accountable to the people, serve them with utmost responsibility, integrity, loyalty, and efficiency; act with patriotism and justice, and lead modest lives,” dagdag pa niya. ROMER R. BUTUYAN