(Mga bagong kagamitan ipinasilip) EXTERNAL SECURITY, TERRITORIAL DEFENSE PALALAKASIN NG ARMY

TIWALA si Philippine Army Commanding General Lt Gen Romeo Brawner na matatapos na ang suliranin ng bansa Communist Party of the Philippine at armadong galamay nitong New People’s Army at maging ang iba terrorist kaya nakatanaw na sila sa pagpapalakas ng kanilang external at territorial Defense.

Ito ang ibinida ni Brawner sa kanilang pagdiriwang ng ika-125 founding anniversary na may Temang: “Army @ 125 Kapayapaan Para Sa Lahat” nang ipakita nito ang mga makabagong kagamitan na bahagi ng kanilang Army modernization program sa isinagawang static at capability display.

Aniya, hindi lamang sa internal security operations nakatutok ngayon ang Army kundi handa na rin sila na idepensa ang teritoryo ng bansa laban sa external threat.

Maging ang Defense Department ay naniniwalang matatapos ng Armed Forces of the Philippines partikular ang Philippine Army ang insurgency problem sa mga susunod na buwan.

Una nang ipinahayag nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff General Andres Centino na matatapos ng militar ang CPP-NPA bago bumaba sa puwesto ang Pangulong Duterte sa Hunyo 30.

Sa kanyang mensahe sa pagdiriwang ng ika-125 Anibersaryo ng Philippine Army sa Fort Bonifacio Grandstand, inulit Lorenzana na bagaman alam niyang mahirap ang kanilang laban ay umaasa siyang matatapos nila ang problema laban sa CPP-NPA.

Ayon sa kalihim, bunsod ng sunod-sunod na magagandang accomplishment ng Philippine Army at iba pang sangay ng AFP laban sa mga komunista, naniniwala siyang malapit na ang katapusan ng teroristang grupo.

Samantala, inihayag naman ni Army Spokesman Col Xerxes Trinidad na malaking tulong sa kanilang operasyon ang mga bagong military hardwares na nadagdag sa kanilang arsenal bunsod ng tuloy tuloy na mga proyekto sa ilalim ng AFP modernization program.

Ayon pa kay Col Trinidad ang mga bagong weapons system ng Army na kanilang inilantad ay hindi lamang magagamit para sa internal security operations bagkus magagamit ito sa territorial defense.

“We are developing not just the internal security operations capability but also our capability to defend our territory from external aggressors,” ani Trinidad.

Sinasabing “on track” ang Philippine Army sa adhikain nito na maging “world class military force” pagsapit ng taong 2028. VERLIN RUIZ