MGA BAGONG KAGANAPAN SA LARANGAN NG PUBLIKASYON AT LITERATURA

(Pagpapatuloy…)
Ang Performatura Festival 2023 ay magaganap sa ika-31 ng Marso hanggang sa ika-2 ng Abril sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP). Ang tatlong araw na performance literature festival ay magsisimula sa ganap na 10:30 ng umaga.

Itatampok ang mga pagtatanghal, poetry readings, palihan, mga literary talks, spoken word sessions, patimpalak sa pagtula, film screening, paglulunsad ng mga aklat, book at art fair, at mga panayam sa mga manunulat sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater).

Libre ang entrance sa festival ngunit hinihimok ang lahat na mag-donate ng libro bilang admission ticket para sa bawat bahagi ng programa. Ang mga aklat na makakalap ay mapupunta sa mga partner library ng CCP.

Ang tema para sa taong ito ay “Performatura Goes Pop” at ang festival director ay ang makata na si Dr. Vim Nadera, Jr.

Sa Valenzuela City naman, kabubukas pa lamang ng kanilang pampublikong aklatan noong ika-24 ng Pebrero. Ang Valenzuela City Academic Center for Excellence ay anim na palapag na aklatan na mayroong magandang koleksiyon ng mga babasahin at bagong pasilidad. Mayroong computer stations, mga espasyo para sa pagbabasa, study hall, breastfeeding room, isang lugar para sa mga senior citizens, at kid-friendly learning areas. Higit sa lahat, bukas ang aklatan para sa publiko, hindi lamang para sa mga taga-Valenzuela City. Wala ring bayad ang paggamit ng aklatan.

May mga espesyal na koleksiyon kagaya ng Xiao Chua Public History Collection, conference rooms, at mga lugar para sa training. Mayroon ding special education facilities gaya ng assessment room at transition room, at ang roof deck na maaaring gamitin para sa mga aktibidad o kaganapan. Alas 9:00 ng umaga nagbubukas ang aklatan. Ito ay matatagpuan sa MacArthur Highway, Malinta, Valenzuela City. Pinapayuhan ang mga bisita na magdala ng isang valid ID.