MGA BAGONG MUNGKAHI SA PAGPAPAIGTING NG LABAN KONTRA COVID-19 DAPAT PAKINGGAN

Joe_take

PATULOY na nga ang pagbaba ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw. Nanatili ring mababa sa 10% ang positivity rate nitong nakaraang linggo.

Ang pagbuti ng ating sitwasyon ay maituturing na pagkakataong mas paigtingin pa ang mga hakbang ng pamahalaan kontra COVID-19. Ang muling pagbubukas ng ating ekonomiya ay dapat sabayan ng pagpapaigting ng programa sa pagbabakuna ng bansa. Hindi tayo dapat makampante dahil ang pagbaba ng bagong kaso ng COVID-19 kada araw ay hindi nangangahulugan na natalo na natin ang virus.

Kaugnay ng pagpapaigting ng laban kontra COVID-19, ang baguhang kongresistang si Rizal 2nd District Representative Fidel Nograles ay nagpahayag ng mungkahing magsagawa ng mass hiring ng mga healthcare worker gaya ng mga nars at mga medical technologist sa bansa bilang paghahanda sa pagpapalawak ng programang pagbabakuna ng bansa. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., nakatakdang simulan ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 17 pababa sa ika-3 ng Nobyembre.

Kung inyong maaalala, naunang simulan noong ika-15 ng Oktubre ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 17 pababa na mayroong comorbidity. Ayon sa Department of Health (DOH), batay sa kanilang datos noong ika-26 ng Oktubre, hindi bababa sa 18,000 ang bilang ng mga batang nabigyan na ng bakuna sa Metro Manila bilang bahagi ng pilot test run nito. Ayon din sa Philippine Statistics Authority, humigit kumulang 12.7 milyon ang bilang ng mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Ang mga bakunang gagamitin sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 taong gulang ay Moderna at Pfizer. Sa kasalukuyan, ang nasabing mga tatak ng bakuna pa lamang ang nabigyan ng emergency use authorization para sa mga kabataan. Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, naging matagumpay ang unang rollout ng bakuna para sa mga kabataang may comorbidity. Bagaman may ilang naitalang insidente na nakitaan ng reaksiyon sa mga bata, ito ay natugunan agad.

Ayon kay Nograles, malaking tulong sa ating pagkamit sa herd immunity kung mas lalakas ang ating manpower pagdating sa pagbabakuna. Ako ay sumasang-ayon sa mungkahing ito dahil kung mas marami ang kailangang bakunahan dahil nga sa pagdagdag ng mga kabataang may edad 12 hanggang 17, mas makatutulong kung mas marami ang mga propesyonal na healthcare worker gaya ng nars at doktor na maaaring magbigay ng bakuna.

Hindi lamang ang pagbabakuna ang kailangang paigtingin kundi pati na rin ang proseso at bilang ng COVID-19 testing na isinasagawa sa bansa kada araw. Ang pagdagdag ng mga medical technologist sa bansa ay makatutulong sa mas mabilis na pagpoproseso ng COVID-19 testing. Kung mas mabilis nailalabas ang resulta, mas mabilis ding malalaman kung ano ang susunod na kailangang gawin gaya ng isolation at contact tracing. Ito ay malaking tulong sa patuloy na pagpapababa ng bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 27 milyon ang bilang ng mga nakakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19. Dalawang buwan na lamang ang nalalabi bago magtapos ang taong 2021 ngunit ang bilang ng mga kumpleto sa bakuna ay malayo pa sa bagong target na itinakda ni Pangulong Rodrigo Duterte na 50 milyong Pilipino ngayong taon.

Mataas na ang bilang ng nabakunahan sa National Capital Region (NCR). Sa katunayan, bago natapos ang buwan, limang lungsod sa rehiyon ang nagdeklara ng pagkamit sa herd immunity. Ito ay ang lungsod ng San Juan, Las Pinas, Taguig, Mandaluyong, at Marikina. Ang bilang ng mga nabigyan na ng kumpletong bakuna sa  nabanggit na mga lungsod ay hindi bababa sa 70% ng kanilang populasyon. Ito ay nangangahulugan na maaari na ring ituon ang pokus ng ating programa sa iba pang rehiyon.

Ayon kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, nananatiling mataas ang antas ng vaccine hesitancy sa labas ng NCR. Upang tugunan ito, dapat maglunsad ng malawakang information campaign ukol sa COVID-19. Dapat maiparating sa mga rehiyon sa labas ng NCR ang benepisyo ng pagpapabakuna at kung ano ang maaaring mangyari sa isang indibidwal na walang bakuna kontra COVID-19 kapag ito ay magkaroon ng COVID-19. Sa Visayas ay naitala ang pinakamataas na antas ng vaccine hesitancy sa bilang na 32%. 24% naman ang naitala para sa Luzon, habang 19% sa Mindanao.

Batay sa pag-aaral ng OCTA Research, malaking porsiyento ng mga ayaw magpabakuna ay nangangamba para sa kaligtasan kaugnay ng bakuna. Marami rin sa mga ito ang mas gustong hintayin ang pagdating ng Moderna, Pfizer, at AstraZeneca sa kanilang mga lugar dahil walang tiwala sa ibang tatak. Ang vaccine hesitancy ay isang hamon na kailangang tugunan ng pamahalaan sa lalong madaling panahon.

Kailangang maglunsad ng malawakang information campaign sa mga lugar na nasa labas ng Metro Manila. Kailangang maipaintindi sa mga tao na bagaman may ilang mga pangalan ng bakuna na napatunayang mas epektibo kumpara sa iba, ito ay hindi nangangahulugan na hindi na ito makapaghahatid ng proteksiyon kontra COVID-19. Dapat ding masiguro na ang mga mamamayan sa mga liblib na lugar ay mababahaginan ng bakuna. Kung hindi agad tutugunan ang isyu ng vaccine hesitancy sa bansa, mas magiging mahirap para sa Pilipinas ang pagkamit sa ating inaasam na herd immunity. Kaugnay nito, magiging mas mabagal ang muling pagbangon ng ating ekonomiya.