(Mga bahay-sambahan, restaurants 30% capacity lamang) NCR BALIK ALERT LEVEL 3

Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles

Simula sa Enero 3 hanggang 15, 2022 ay ipatutupad ang ilang paghihigpit dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa press briefing sa Davao City,  sinabi ni Acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles, na balik na sa  Alert Level 3 ang Metro Manila matapos  mapagdesisyunan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) dahil inaasahan na darami pa ang mahahawahan ng virus sa mga darating na araw.

Sinasabing mataas din  ang posibilidad na magkaroon ng local transmission ng Omicron variant.

Nitong Biyernes, inihayag ng Department of Health na sampung  kaso ng Omicron variant sa Pilipinas–tatlo ay local cases, o hindi lumabas ng bansa ang mga pasyente.

Dalawa sa local Omicron variant ay mula sa Bicol at isa ay sa National Capital Region.

Sa ilalim ng Alert Level 3, papayagan ang ilang establisimyento na mag-operate ng hanggang 30% indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated individuals.

Hanggang 50% naman sa outdoor venue capacity, pero kailangan na fully vaccinated ang mga empleyado.

Ngayong huling araw ng taon, 2,961 ang naitalang mga bagong kaso ng COVID-19.

Noong lang nakaraang Lunes, Disyembre 27, nasa 318 lang ang new daily cases. Umangat ang bilang sa 421 noong Martes, at sumirit sa 889 noong Miyerkoles, at 1,623 nitong Huwebes.

Noong Nobyembre inilagay sa Alert Level 2 ang Metro Manila nang bumaba ang COVID-19 cases sa rehiyon.

Sa ilalim ng  Alert Level 3, hindi papayagan ang mga sumusunod:

  • Face-to-face classes
  • Contact sports
  • Fun fairs/peryas
  • Live voice/wind instrument performances.

Ang mga sinehan ay papayagang mag-operate sa 30% indoor capacity at 50% outdoor capacity.

Papayagan din ang  30% indoor capacity subalit sa fully vaccinated individuals lamang sa amusement parks, recreational venue, religious gathering, licensure exams, dine-in services, personal care services, fitness studios, non-contact sports, film, music, TV production.