NASUNOG ang iba’t ibang brand ng COVID-19 vaccines gayundin ang iba pang routine vaccines makaraang lamunin ng apoy ang isang government facility sa Pagadian City, Zamboanga del Sur nitong hatinggabing Linggo.
Ayon kay Dr. Anatalio Cagampang Jr., hepe ng Zamboanga del Sur Medical Center (ZDSMC) at ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), kabilang sa nasunog ang AstraZeneca, Moderna, Pfizer at Sinovac gayundin ang iba pang bakuna para sa hepatitis, measles at polio.
Hindi naman masabi pa ni Cagampang, ang rami ng mga nasunog dahil patuloy pa ang kanilang assessment.
Pinaniwalaang nagsimula ang apoy sa maintenance hall sa ground floor ng isa sa mga gusali sa loob ng Zamboanga del Sur provincial government center sa Barangay Dao here.
Makaraan ang mahigit tatlong oras o alas- 3:10 ng madaling araw nitong Lunes saka naapula ang apoy.
Ligtas naman ang mga COVID-19 patients na may moderate case habang 12 pang pasyente ang inilikas sa bakanteng ward.
Bukod sa IPHO office, naitala rin ang danyos sa provincial office ng Department of Health (DOH) at Philippine Red Cross (PRC).
“We were still trying to account for all the damages inside the building while the Bureau of Fire Protection (BFP) probed about the origin of the fire,” ayon kay Cagampang.
Ang mga nadamay sa sunog ay para sana sa “mobile resbakuna,” na nakatakdang gamitn sa iba’t ibang barangay sa lalawigan habang ang iba pa ay para sa mga bayan na walang sapat na cold storage spaces para sa pagdating ng bagong bakuna. EUNICE CELARIO