(Mga barangay pinakikilos) KAMPANYA KONTRA SUNOG

DAHIL sa dumaraming insidente ng malalaking sunog sa Kalakhang Maynila, pinakilos na rin ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat ng lider ng 896 barangays sa Maynila sa kampanya kontra sunog.

Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, kailangan din matiyak ng mga barangay official na tiyakin ng mga ito na may wastong kaalaman ang kanilang nasasakupan hinggil sa fire prevention at fire suppression.

Nabatid na pinakilos ni Mayor Lacuna ang lahat ng lider ng 896 barangay sa Maynila kasabay ng tagubilin hinggil sa kahalagahan ng pagiging organisado at pag-iimporma sa mga residente na hayaan ang mga bumbero na gawin ang kanilang trabaho kapag may sunog.

Habang ang dahilan ng sunog sa ibang hiwalay na insidente ay iniimbestigahan pa, nanawagan si Lacuna sa mga residente na dapat malaman ng residente ang mga bagay na dahilan ng sunog at dapat din itong malaman ng iba pang mga kasama sa bahay.

Dahil dito, hiningi ng alkalde ang tulong ng Liga ng mga Barangay sa pagkilos ng mga punong barangay at opisyal para sa nasabing intensyon o hangarin.

Sinabi ni Lacuna na may mga pangyayari kung saan ang mga bumbero lalo na ang ang mga fire volunteer ay naha-harass ng mga residente kung saan ang mga hose ay inaagaw sa mga ito para itutok sa kanilang mga bahay.

Ayon sa alkalde, ang mga barangay authorities ay dapat itanim isipan ng mga residente na ang fire volunteers ay tumutulong sa pag-apula ng apoy ng walang bayad kaya hindi dapat na gipitin o saktan.

Ginawa ni Lacuna ang pahayag matapos ang tatlong insidente ng malalaking sunog sa Maynila kung saan 600 pamilya ang nawalan ng tirahan.

Kaugnay nito, hiniling ni Lacuna ang buong kooperasyon at tulong ng barangay authorities upang tiyakin na ang kanilang nasasakupan ay alam ang mga ‘do’s and dont’s’ upang maiwasan ang sunog lalo na sa patuloy na pagtaas ng temperature sa Metro Manila.

Samantala, ang mga biktima ng sunog ay binigyan ng temporary shelter sa mga covered court ng lungsod at binigyan din sila ng makakain ng Manila department of social welfare at Manila Disaster Risk Reduction Management Office.
VERLIN RUIZ