CARAGA REGION- NANAWAGAN ang hepe ng Police Regional Office-13 (PRO-13) nitong Huwebes sa mga may-ari ng baril sa buong rehiyon na isuko ang kanilang mga baril na may mga pasong rehistro o expired registration.
Ito ay matapos na iniulat ng Accounting and Disposition of Firearms with Expired Registration (ADFER) na 2,813 lamang sa 6,381 na baril na may lapsed registration ang naitala sa Caraga Region noong Hulyo 1 ng taong ito.
“Hinihikayat ko ang lahat ng may hawak ng baril na sumunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 10591, o ang batas na kumokontrol sa pagmamay-ari, pagdadala, paggawa, paghawak, at pag-import ng mga baril at bala sa bansa,” sabi ni PBGen. John Kirby Kraft, Regional Director ng pulisya ng Caraga Region.
“Ang ADFER ay isinagawa bilang paghahanda sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa Oktubre ngayong taon,” dagdag nito.
Dagdag pa nito, nakatakda na ang mga paghahanda sa seguridad kaugnay ng pagsisimula ng paghahain ng certificates of candidacy at ang campaign period para sa darating na BSKE.
Sa mga lalawigan sa rehiyon, ang Agusan del Sur ang nakakuha ng pinakamataas na bilang ng naiulat na loose firearms na may 767, na sinundan ng Surigao del Norte na may 705, ayon sa police provincial offices (PPOs).
Nabatid din sa ulat ng ADFER na 500 loose firearms ang na-account ng Butuan City Police Office, Surigao del Sur PPO na may 397, Agusan del Norte PPO na may 336, at Dinagat Islands PPO na may 108. EVELYN GARCIA