DUMEPENSA si Sen. Raffy Tulfo sa ginawang birthday party ni Sen. Sonny Angara.
Ayon kay Tulfo, dapat malaman ng mga kritiko sa pagdiriwang ng kaarawan ni Angara na kawanggawa ang dahilan sa isang party noong Sabado ng mga opisyal sa Manila Polo Club.
Nagreklamo ang mga kritiko na habang ang mga pulitiko ay nagpaparty, ang mga Pilipino ay nahaharap sa inflation at iba pang mga problema sa socioeconomic.
Sa isang press conference sa Senado, tinanong si Tulfo kung ano ang naramdaman niya sa mga komentong umaatake sa kanya at sa mga opisyal ng gobyerno na dumalo sa 50th birthday party ni Angara.
“Napaka-kill joy naman ‘yung mga nagsasabi niyan. Dapat inaalam din nila siguro ‘yung reason kung bakit, ano bang isa sa mga dahilan kung bakit kami nandu’n,” sagot ni Tulfo.
“Una, tao naman kami, marunong din kami dapat mag-relax. Pangalawa, it was for a cause rin,” dagdag pa niya.
Ayon kay Angara, nakalikom ng P3 milyon ang kanyang partido na ido-donate sa Philippine General Hospital Foundation. LIZA SORIANO