NAGPASALAMAT kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez ang mga residente ng Batangas matapos makatanggap ng tulong mula sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair noong Sabado.
Si Rogelio Lopez, na isang magsasaka mula Balayan, Batangas ay nakatanggap ng bigas at cash mula sa proyekto ni Speaker Romualdez na Cash and Rice Distribution (CARD).
“Napakalaking tulong po ito sa amin lalo pa’t may pinapaaral pa ako. Salamat Speaker, salamat Bagong Pilipinas Fair,” ani Mang Rogelio.
Ang mag-aaral na si John Fajardo naman ay nabigyan din ng cash mula sa Commission on Higher Education (CHED).
Si Margie Moreno naman, na residente ng Lipa City, ay tuwang-tuwa sa cash at narra tree na nakuha niya sa Serbisyo Fair.
“Itatanim ko sa bakuran ko itong narra…yung cash naman at pampa-check up ko po. Salamat kay PBBM at Speaker sa pagdala ng ganitong programa sa Batangas,” ayon kay Moreno.
Nangako si Speaker Romualdez na tuloy-tuloy lang ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na program ng Pangulong Marcos.
“Hangga’t may nangangailangan ng tulong, darating po ang gobyerno ninyo,” ani Romualdez.