ISINILANG sa San Fernando, Pampanga noong July 8, 1878, si Isabelo Del Rosario ay mahilig na sa musika bata pa lamang. Nakilala siya sa pagtugtog ng violin kung saan ang paborito niyang tugtugin ay ang popular na danzas at kundiman. Marahil, ang husay niya sa paghaharana ang dahilan kaya napasagot niya si Emilia Abad Santos y Basco, kapatid ni Supreme Court Justice Jose Abad Santos. Nagkaroon sila ng dalawang anak na lalaki na sina Pastor at Agapito.
Noong teenager pa si Del Rosario, sumapi siya sa Katipunan, kung saan siya naging kapitan. Nang dumating ang mga Americano sa Pilipinas, isa si Del Rosario sa mga prominenteng pigurang kumalaban sa kanila. Siya mismo ang nagsabing “Den ela sasaup… Sasakup la,” na ang ibig sabihin ay “They did not come here to help, but to conquer.”
Lumaban si Captain Del Rosario, o mas kilala sa tawag na Kapitan Bikong, laban sa mga mananakop kasama ng mga Kapampangan. Sa isang pagkakataon, binibigyan siya ng amnestiya ng gobyerno ng America ngunit hindi niya ito tinanggap.
Matapos ang maraming taon ng pakikipaglaban, nahuli siya sa Sapa Libutad sa Mexico, Pampanga. Hinatulan siyang mamatay sa pamamagitan ng pagbigti. 22 taon pa lamang siya noon.
Noong April 12, 1902, araw ng kanyang kamatayan, pinagbigyan siya ng mga Americano na tumugtog ng violin sa huling pagkakataon. Tinugtog niya ang “Danza Habanera de Filipina” habang naglalakad patungo sa kung saan siya bibitayin. Matapos ang awit, binasag niya ang violin sa paanan ng bitayan at humanda sa kanyang kamatayan. – LEANNE SPHERE