MGA BAYANI PARANG SANTO RIN–BISHOP MALLARI

Bishop Roberto Mallari

MAAARING  maihalintulad ang buhay ng mga bayani sa buhay ng mga santo.

Ito ang inihayag ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, chairman ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kahapon, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani sa bansa kahapon.

Ayon kay Mallari, may pagkakahawig ang buhay ng mga bayani at mga santo dahil pare-pareho silang nag-aalay ng buhay para sa kanilang kapwa.

“Unang-una siguro ‘yung pagkakapareho nila ay parehong nag-aalay ng buhay. ‘Yung mga bayani natin, nag-aalay ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagmamahal sa ating bayan habang ‘yung mga martir (santo) naman natin ‘yung nag-aalay ng buhay rin nila para sa pananampalataya, para sa Diyos at sa bayan ng Diyos,” ani Mallari, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Ayon kay Mallari, isang magandang halimbawa para sa mamamayan at mananampalataya ang ipinakikita ng mga bayani at Santo na nagbuwis ng kanilang buhay bilang pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa.

Kaugnay nito, hinimok ng Obispo ang mga mamamayan partikular na ang mga kabataan sa bansa na tularan ang kabutihang ipinamamalas ng mga ba­yani at ang pagsusumikap ng mga Santo na maipalaganap at maihayag nang buong tapang ang Mabuting Balita ng Panginoon. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.