MGA BAYANI SA PANDEMYA PINARANGALAN SA DRAGON STAR AWARDS 2022

PINARANGALAN ang sampung kilalang indibidwal at non-government organizations (NGOs) sa malaking ambag na matugunan ang COVID-19 pandemic sa ginanap na 2nd Dragon Star Awards ng Quezon City Association of Filipino-Chinese Businessmen, Inc. sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Dumalo sa awarding ceremonies si Quezon City Mayor Joy Belmonte na ginanap sa Novotel Hotel sa Cubao, kasama ang iba pang mga opisyal sa lungsod.

Kabilang sa mga pinarangalan na tinaguriang “real-life heroes” ay sina Ana Patricia Non, Lou Sabrina Ongkiko, Kathrina Bianca Macababad, Dr. Glenn Angeles, Dr. Hilda Co-Ong, Dr. Maria Asuncion Silvestre at Roy Maceda.

Kabilang din sa binigyang parangal ang Tzu Chi Foundation, Salamat PH Healthcare Heroes, at Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).

Tumanggap din ng special award si dating Quezon City Mayors Feliciano “Sonny” Belmonte at Brigido “Jun” Simon Jr. mula sa grupo.

“Napakalaking bagay ng kanilang tulong para mapagaan ang epekto ng pandemya sa ating mga kababayan,” pahayag ng alkalde.

Magugunitang si Non, ang kauna-unahang nagtayo ng community pantry sa Pilipinas na isinagawa sa Maginhawa St. sa Quezon City, habang si Ongkiko, ang nagkasa ng critical learning continuity plan sa larangan ng STEM sa Culiat Elementary School at tumulong naman si Dr. Angeles sa pagtatayo ng temporary quarantine facilities para sa frontliners.

Nag-organisa naman si Dr. Co-Ong ng national blood donation programs para sa mga nangangailangang pasyente na tinamaan ng COVID, habang si Macababad ay kabilang sa mga nurse na nagligtas sa buhay ng 35 babies na nasa neonatal intensive care unit (NICU) nang magkaroon ng sunog sa Philippine General Hospital (PGH) noong 2021.

Si Dr. Silvestre naman ay tumulong sa trabaho sa World Health Organization sa Geneva at Kalusugan ng Mag-Ina, Inc., habang si Maceda ay kabilang sa nag-organisa ng “BeSekLeta for Every Juan”.

Ang Salamat PH Healthcare Heroes, Tzu Chi Foundation at FFCCCII ay sumuporta sa mga frontliners at naging katuwang ng pamahalaan sa paglaban sa COVID-19. EVELYN GARCIA