NAPAG-UUSAPAN lang naman, dahil balita ko, dito sa Asia ang pinakamaraming nakatatandang umaabot sa edad na 100 o higit pa. tulad na lang ni “Lola Cadia Cambri” na nagdiwang kanyang ika-101 kaarawan noong January 21, 2024 at ni former Senator Juan Ponce Enrile na nag-birthday noong February 14 ng kanyang ika-100 taon. Idagdag pa natin ang sikat na sikat na si Apo Whang-Od na 106 years old na pero malakas na malakas pa. Mga swerteng centenarians.
Sa pagsapit ng ika-100 kaarawan ni Enrile, isa na siya sa mga Filipino na may karapatang makatanggap ng halagang P100,000 cash batay sa Centenarians Act of 2016.
Sa ilalim ng Republic Act 10868 o Centenarians Act of 2016, may mga benepisyo at pribelehiyong matatanggap ang isang Filipino citizen na aabot sa 100 taong gulang o higit pa.
Sa nasabing batas, ang Filipino centenarian ay makakatanggap ng Php100,000 cash gift mula sa national government; letter of Felicitation na pirmado ng pangulo ng Pilipinas, at plaque of recognition. Sakaling mamatay ang centenarian matapos ang kanyang birthday, makakatanggap ang kanyang kaanak ng posthumous plaque of recognition, at ibibigay pa rin ang Php100,000 ng nearest surviving relative.
Dagdag pa sa national benefits, pararangalan din ang centenarian ng siyudad o bayang kanyang tinitirhan, bukod pa sa cash gift na depende sa kakayahan ng bayan o siyudad ang halaga.
Medyo matagal ang proseso sa iba sa pagkuha ng mga benepisyo dahil kulang ang kanilang mga dokumento. Kadalasan kasi, walang birth certificate sina lolo o lola. Pero kung walang birth certificate, pwede naman ang Philippine Passport – na imposible ring makuha kung walang birth certificate, di po ba?
Kung ganoon, pwede na rin ang Senior Citizen ID, LTO-issued Driver’s License, SSS/GSIS ID, PRC License, Postal ID, Voter’s ID, o kahit anong ID kung saan nakalagay na Filipino citizen si lolo/lola at nakalagay din ang kanyang birth date.
Kung wala pa rin, pwede na ang Marriage Certificate; Birth Certificate ng mga anak na nakalagay ang kanyang pangalan, edad at citizenship; Baptismal o Confirmation Certificate; Old School o Employment Records o kaya naman ay Affidavit of at least two (2) Disinterested Persons.
Halimbawa namang naninirahan ang centenarian Filipino sa ibang bansa, pwede siyang magsumite ng dokumento sa Philippine Embassy. Ipadadala ng Embassy ang mga dokumento sa Commission on Filipinos Overseas, at sila na ang magpoproseso nito.
Napakaswerte ng mga taong umaabot sa edad na 100. Yung iba, nagwo-worry sa dami ng kanilang mga gatla sa mukha, pero kung tutuusin, dapat silang magpasalamat dahil umabot sila sa edad na iyan. Napakaraming ni hindi man lamang umabot sa katandaan, kaya ipagpasalamat natin ang bawat taong nadaragdag sa ating buhay.
Sa ngayon, matapos mamatay si Lola Francisca ‘Iska’ Susano sa gulang na 124 – na nagbigay sa kanya ng titulong oldest living female in the world batay sa Guinnes Book of World Records — pinalitan na siya ni Maria Branyas, isang espanyolang ang edad ay 116 years, 357 days. Ang oldest known living man naman ay si Juan Vicente Pérez ng Venezuela, 114 years, 273 days. Ayon sa pag-aaral, mas matagal ang buhay ng babae kesa lalaki. NLVN