BILANG bahagi pa rin ng pagdiriwang ng National Women’s Month ngayong Marso, ipinahayag ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na ang mga kababaihang manganganak ay maaaring makakuha ng iba’t ibang benepisyo mula sa PhilHealth.
“Mayroon po tayong iba’t ibang packages na maaring i-avail ng ating expectant mothers kasama na ang Maternity Care Package (MCP), Normal Spontaneous Delivery (NSD) Package, at Antenatal Care Package (ACP),” ani PhilHealth acting president at chief executive officer Emmanuel R. Ledesma, Jr.
Ipinaliwanag ni Ledesma na ang MCP ay isang benepisyo na sumasaklaw sa kumpletong mahahalagang health care services para sa mga babaeng manganganak sa panahon ng antenatal, panahon ng pag-labor, normal na panganganak, at agarang post-partum period, kabilang ang mga follow-up check-up sa loob ng 72 oras at isang linggo pagkatapos ng panganganak.
“This package may be availed in hospitals for a case rate of P6,500 or in infirmaries, dispensaries, birthing homes, and maternity clinics for an P8,000 case rate,” dagdag pa ni Ledesma.
Nabatid kay Ledesma na 40% ng case rate ay ilalaan para sa professional fees habang ang natitirang 60% ay para sa facility fee.
Samantala, ang NSD package naman ay sumasaklaw sa essential health services para sa normal low risk vaginal deliveries at post-partum period sa loob ng unang 72 oras at 7 araw pagkatapos ng panganganak.
“Bukod sa normal spontaneous delivery, covered din po caesarian section, complicated vaginal delivery, breech extraction, at vaginal delivery after caesarian section sa ating accredited hospitals,” paliwanag ni Ledesma.
“Ang case rate po ng caesarian section ay P19,000, P9,700 kung complicated vaginal deliver, at P12,120 kung sa breech delivery at vaginal delivery after caesarian section,” dagdag pa ng opisyal.
Bukod dito, sinabi ni Ledesma na ang mga nanay na gustong magsagawa ng family planning pagkatapos manganak ay maaari ding gumamit ng post-partum intrauterine device (IUD) insertion, na saklaw din ng state insurer.
“The case rate of IUD insertion insertion is P2,000, which may be claimed as a second case rate,” ani Ledesma.
“Maaari po itong i-avail sa accredited health care institutions, kasama na ang birthing homes, lying-in o maternity clinics, at infirmaries/dispensaries,” ayon pa kay Ledesma.