MGA BIG BOSS NG LUCKY SOUTH 99 POGO TINUTUGAYGAYAN PA RIN

PATULOY na tinutugaygayan ng mga awtoridad ang mga itinuturing na Chinese big boss ng Lucky South 99 POGO at ng POGO hub sa Bamban, Tarlac.

Sinasabing ang tatlong big bosses na naging mga kasosyo ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo ay tuloy tuloy na  minamanmanan  ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Bureau of Immigration, at maging ng National Bureau of investigation.

Ayon sa PAOCC, lumalabas na iba-ibang passport ang hawak ng mga natu­rang Chinese national na nagpapaikot ikot umano sa mga kalapit bansa.

Una ng kinumpirma ng PAOCC na nasa Hong Kong na si Huang Zhiyang, ang sinasabing “boss of all bosses” ng mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Ope­rators (POGOs).

Sinabi ni PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz sa pagdinig sa Senate Committee on Women, Children,Family Relations and Gender Equality na nagtago sa ibang bansa ang iba pang dayuhang nauugnay sa POGO na umano’y tumulong sa pagpapaalis kay Mayor Alice Guo.

Kabilang dito sina Duanren Wu at Zhang Jie na nasa Indonesia at Singapore, ayon kay Cruz.

Samantala, bineberipika ngayon ang kinaroroonan ni Wesley Guo, ang umano’y  kapatid ni Alice Guo, na sinabing nasa Hong Kong.

Samantala, sinabi rin ni Cassandra Li Ong— ang authorized representative ng Lucky South 99 POGO firm—-na wala siyang idea kung ang kanyang nobyo  na si Wesley ay nakipagkita kay Huang Zhiyang dahil hindi niya alam kung nasaan ngayon si Wesley.

Itinanggi rin ni Ong na kilala niya ang isang Xiao Long na nauugnay sa Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.

Ang Whirlwind Corporation ay ang kompanyang nagpaupa ng ari-arian nito sa bayan ng Porac sa Pampanga sa POGO hub ng Lucky South 99.

Ayon naman kay PAOCC spokesperson Winston John Casio, na ang isang kinasuhan na si Xiao Long ay isa sa subject na person of interest sa Lucky South 99 na sinundan at hinuli at kinasuhan sa Lapu-Lapu City.

Magugunitang nasa  150 dayuhan, kabilang ang mga indibidwal na pinaniniwalaang bahagi ng sinalakay na POGO hub sa Pampanga para sa mga napaulat na ilegal na aktibidad, ay naunang natunton  ng mga awtoridad sa isang pribadong compound sa Lapu-Lapu City, sa Cebu.

Sinabi ng mga awtoridad na ang mga dayuhan ay mula sa China, Indonesia at Myanmar. Natagpuan ang mga ito matapos i-alerto ng mga Indonesian na tumakas mula sa compound ang kanilang embahada sa Pilipinas na siya namang nagsumbong sa mga lokal na awtoridad.

VERLIN RUIZ