INIANUNSIYO kahapon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na tutulong silang magbayad sa pagpapaospital ng mga biktima ng food poisoning na kailangang maipagamot.
Ito ay kaugnay sa mahigit na 200 katao na iniulat na nakaranas ng food poisoning sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos.
Sinabi ni PhilHealth President and CEO Ricardo C. Morales, na ang mga biktima na miyembro ng PhilHealth at kailangang ma-confine sa public o private hospitals, ay maaring makakuha ng benepisyo at tulong mula sa kanila. Habang ang non-members na nasa government hospitals ay maaring makuha ang Point of Service (POS) Program.
“We want to assure those affected that in case hospitalization is required, they can bank on their PhilHealth coverage for financial protection. This is consistent with PhilHealth’s mandate to provide responsive health care benefits to its members at all times, more so during emergency cases where help is needed the most. We have PhilHealth CARES (Customer Assistance, Relations and Empowerment Staff) stationed in public and private hospitals to assist the victims in availing of their benefits.”
Umaabot sa P6,000 ang kayang sagutin ng PhilHealth para sa food poisoning o acute gastroenteritis na may moderate hanggang severe dehydration kapag na-confine sa alinmang PhilHealth accredited hospital.
“We stand firm in our commitment to provide Filipinos with access to quality health care services especially in times of emergency cases.” pagbibigay diin ng PhilHealth chief.
KOMUNSULTA SA DOKTOR KUNG NA-FOOD POISION-DOH
PINAYUHAN ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang lahat ng dumalo sa pagdiriwang ng ika-90-taong kaarawan ni dating Unang Ginang Imelda Marcos, sa Pasig City, na kaagad na komunsulta sa doktor kung makararanas ng mga sintomas ng food poisoning.
Ayon kay Duque, ilan sa sintomas ng food poisoning na dapat bantayan ng mga ito ay pagkahilo, pagsusuka, pagduduwal, pag-tatae, paninigas at pananakit ng tiyak, panghihina, lagnat at pangingiki.
Sinabi ng kalihim na mas makabubuting mabigyan ng kaukulang lunas ang lahat ng nabiktima ng posibleng food poisoning upang matiyak na maayos ang lagay ng kalusugan ng mga ito.
Una nang sinabi ni Duque na sa ngayon ay nasa 261 katao ang naitala nilang nabiktima ng food poisoning matapos na kumain ng packed lunch ng adobong manok na may itlog at patatas, kanin, at bottled water.
Ang mga naturang biktima ay ini-admit na sa iba’t ibang pagamutan sa Mandaluyong-Pasig-Marikina area kabilang ang The Medical City (100 pasyente); Rizal Medical Center (43); Victor Potenciano Hospital (23); Pasig City General Hospital (40); Cardinal Santos Medical Center (20); Tri-City Medical Center (20); Mandaluyong Medical Center (5); Ospital ng Makati (4); at Amang Rodriguez Medical Center (6).
Ani Duque, ang mga naturang biktima ay isasailalim sa 48-hour hydration upang matiyak ang kanilang full recovery.
Matatandaang dakong 11:51 ng tanghali kamakalawa nang magsimulang makaramdam ng mga sintomas ng food poisoning ang mga biktima, na kabilang sa tinatayang may 2,500 loyalista ng pamilya Marcos na nagtipon-tipon sa Ynares Sports Arena sa Shaw Boulevard, Barangay Oranbo, Pasig City, para makiisa sa pagdiriwang.
Kaagad namang isinugod sa pagamutan ang mga ito at tiniyak na ng pamilya Marcos na sasagutin nila ang lahat ng gastusin ng mga nabiktima ng food poisoning hanggang sa makalabas ang mga ito ng pagamutan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.