MGA BIKTIMA NG GCTA PINALALANTAD

Nicanor Faeldon

PINALALANTAD ni da­ting Bureau of Correction (BuCor) Dir. Gen. Nicanor Faeldon ang lahat ng mga biktima ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at sabihin ang nalalaman upang mahinto na ang naturang kontrobersiya at pinagmumulan ng korupsiyon sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ito ang inihayag ni Faeldon sa isang ambush interview na hindi dapat matakot ang mga ito sa kanilang seguridad dahil sa naririyan ang pamahalaan para sila ay bigyan ng proteksiyon.

Gayundin, inamin ni Faeldon na biktima siya ng umiiral na GCTA for sale.

Aniya, sa sobrang higpit niya ay hindi niya alam na mayroon na palang nagaganap na bilihan ng GCTA.

Naniniwala naman si Faeldon na tila laganap o talamak na ang bentahan ng GCTA sa National Bilibid Prison kapalit ng kalayaan ng isang bilanggo.

Kaugnay nito, nasabon din ni Gordon si BuCor Chief Legal Counsel Atty. Fredric Santos dahil sa kabiguan na sundin ang Department Order 953 ng Department of Justice.

Sa pagdinig, iginiit ni Gordon na dapat ay sinunod ng pamunuan ng BuCor ang Department Order bago mapalaya ang mga bilanggo na pinatawan ng reclusion perpetua sa kanilang mga kaso.

Nabatid na nakasaad sa D.O. 953 na dapat munang dumaan sa Secretary of Justice ang lahat ng mga palalayaing bilanggo basta’t ito’y napatawan ng panghabambuhay na pagkakakulong.

Ayon naman kay former BuCor Chief Nicanor Faeldon, hindi niya alam na may DOJ Department Order No. 953 noong pinuno siya ng ahensiya.

Kinontra naman ito ni Santos at sinabing sinabihan niya si Faeldon hinggil sa department order ngunit hindi na niya matandaan kung kailan.

Idinagdag pa ni Santos, hindi na nila pinatagal ang pagpoproseso sa GCTA ng mga napalayang bilanggo dahil ayaw umano nilang makasuhan ng arbitrary detention, dahil sa pag-delay sa release ng isang preso.

Lumitaw rin sa nasabing pagdinig na bukod sa pagbebenta ng GCTA, isang bagong ilegal na raket sa BuCor ang nabunyag sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa maagang pagpapalabas ng convicts ng New Bilibid Prison.

Ito ang ibinunyag ng testigong si Yolanda Camilon na bukod sa “freedom for sale”, mayroon pang “tanim pending” scheme na kung saan bibigyan ng release date ang pamilya ng mga convict, pero sa araw ng sinasabing paglaya ng kaanak na inmate ay lalabas na may nakabinbing kaso pa ito.

Sa pagdinig ay inamin ni Camilon na personal itong nangyari sa kanya matapos siyang magbayad ng P50,000 sa BuCor officials para sa maagang paglaya ng kanyang asawa pero pagdating ng ibinigay na takdang araw ay iniatras ang paglaya nito.

Aniya, depende umano sa katayuan ng buhay ng pamilya ng inmate kung magkano ang hihingin ng mga opisyal.

Nag-ugat ang naturang imbestigasyon ng Senado sa umano’y anomalya sa BuCor matapos na muntikan nang lumaya ang convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez dahil sa GCTA. VICKY CERVALES

Comments are closed.