INIULAT ng Department of Health (DOH) na pumalo na sa 236 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok ngayong pag-diriwang ng Bagong Taon.
Ito’y matapos na makapagtala pa sila ng karagdagang 98 biktima ng paputok sa isinasagawa nilang monitoring ng fireworks-related incidents (FWRI).
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH nitong Miyerkoles ng umaga, nabatid na ang 98 bagong kaso ay naitala sa National Capital Region (35 kaso); Region 1 (22); Region 6 (13); Region 7 (6); Region 4-A (5); Region 3 (4); ARMM (3), Region 5 (3), Regions 4-B (2), Region 12 (2), Region 2 (1), Region 9 (1) at Region 11 (1).
Sinabi ng DOH na dahil sa 98 bagong kaso ay umakyat na sa 236 ang FWRI cases na naitala nila mula Disyembre 21, 2018 hanggang 5:59 ng umaga nitong Enero 2.
Gayunman, mas mababa pa rin ito ng 52% kumpara sa mga kasong naitala nila sa kahalintulad na reporting period noong salubungin ang taong 2018 at 71% naman na mas mababa sa 5-year average period.
Pinakamaraming nabiktima ang kwitis na umabot ng 55 kaso, sumunod ang luces (20), piccolo (19), boga (18), at 5-star (14).
Nakapambiktima rin ang mga paputok na triangle, plapla, camara, flash bomb, pili cracker, at iba pa.
Ayon pa sa DOH, walo sa mga biktima ay naputulan ng daliri at iba pang parte ng katawan, 61 ang nagtamo ng eye injury, habang 234 naman ang nagtamo lang ng sugat at lapnos sa katawan.
Ang mga biktima ay nagkaka-edad ng mula dalawa hanggang 75-taong gulang, at karamihan ay mga lalaki na nasa 187.
Tiniyak naman ng DOH na pawang napagkalooban na ng kaukulang lunas ang mga biktima, na nasa maayos nang kalagayan sa ngayon.
Ipinagmamalaki rin naman ng DOH na kahit may mga kaso ng indiscriminate firing na naitala ay wala namang tinamaan ng ligaw na bala nang salubungin ng mga Pinoy ang taong 2019. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.